Calendar
Piyansa sa suspek sa pagpatay kay Batocabe pinawalang bisa ng CA
PINAWALANG bisa ng Court of Appeals (CA) ang dalawang kautusan ng isang mababang hukuman sa Legazpi City na nagpapahintulot na makapagpiyansa sa pangunahing suspek sa pagpatay kay Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe.
Batay sa 10-pahinang desisyon ng CA 12th Division, inatasan rin nito ang mababang hukuman na resolbahin ang petition for bail at ikonsidera ang lahat ng mga iprinisintang ebidensiya sa naturang bail hearing ni Baldo.
Sa ruling ng CA, sinabi nito na nagkamali ang mababang hukuman nang ipag-utos na ang ikonsidera lamang ay ang testimonya ng dalawa sa limang testigo na iprinisinta ng prosekusyon, at balewalain ang testimonya ng tatlong iba pa.
“The three witnesses and their testimonies should have been considered and should not have been left out,” ayon sa CA ruling.
“Wherefore, premises considered, the Petition is Granted. The Orders dated August 29, 2019 and September 9, 2019 of the Regional Trial Court of Legazpi City, Branch 10, are hereby declared NULL and VOID. The Regional Trial Court is hereby ORDERED to RESOLVE the Petition for Bail taking into consideration all the evidence presented during the bail hearing,” anito pa.
Samantala, ikinatuwa naman ng pamilya Batocabe ang desisyon ng CA at sinabing ito’y malaking hakbang sa paghanap nila ng hustisya para sa pinaslang na mambababatas.
“A significant step in the quest for justice for Dad. Sana tuloy tuloy na,” paskil ng anak ni Batocabe na si Justin Batocabe sa kanyang Facebook page.
Matatandaang si Batocabe at ang security aide na si SPO2 Orlando Diaz ay napatay nang tambangan habang papalabas ng Burgos Elementary School sa Daraga, Albay matapos mamigay ng regalo sa mga residente ng bayan noong Disyembre 2018.
Kinasuhan si Baldo ng double murder at six counts ng frustrated murder pero pinayagan na makapagpiyansa ng P8.72 milyong halaga ng surety bond na kinabibilangan ng mga titulo ng lupa.