Trak ng MMDA binato, kelot kalaboso

91 Views

KALABOSO ang isang lalaki matapos nitong batuhin ang trak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nagsasagawa ng clearing operation sa center island ng EDSA.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si Expedito Ursua, 61-taong gulang, at residente ng Brgy. Apolonio Samson, Quezon City. Siya ay nahaharap sa kasong attempted homicide at malicious mischief.

Nagsasagawa umano ng clearing operation sina Joseph Sarsona at Cesar Manuel, drayber at team leader ng MMDA sa EDSA Balintawak tapat ng Wilcon Depot Builder’s Brgy. Apolonio Samson, Quezon City nang makita nila ang mga tambak ng karton alas-8:40 ng umaga noong Marso 19.

Habang sinasamsam ni Sarsona ang mga karton ay dumating umano ang suspek na mayroong dalang bato.

Binato umano ni Ursua si Sarsona at masuwerte na hindi ito tinamaan. Tumama naman ang bato sa windshield ng sasakyan na ikinabasag nito.

Nahuli ang suspek sa follow-up operation.