Janice Degamo

Ethics panel par-aaralan hiling na tanggalin si Teves bilang miyembro ng Kongreso

Mar Rodriguez Mar 29, 2023
143 Views

PAG-AARALAN ng House Committee on Ethics and Privileges ang “appeal letter” na ipinadala ni Pamplona Mayor Janice Degamo sa Kongreso na humihiling na tuluyan ng tanggalin bilang miyembro ng Kamara de Representantes si suspended Negros Oriental 3rd Dist. Congressman Arnolfo “Arnie” Teves, Jr.

Inihayag ni COOP-NATCCO Party List Congressman Felimon M. Espares, Chairman ng Ethics Committee, na rerebyuhin nila ang appeal letter na ipinadala ng may-bahay ng napaslang na si Negros Oriental Governor Roel Degamo para matanggal bilang miyembro ng Kamara si congressman Teves.

Sinabi ni Espares na kailangan nilang maging maingat at rebyuhing mabuti ang appeal letter ni Mayor Degamo para malaman kung mayroon itong bigat o substance para maisalang sa pagdinig ang kahilingan ni Degamo.

Ipinaliwanag din ni Espares na sa ngayon ay isang malaking hamon para sa kanila ang pagkakaroon ng “quorum” para masimulan ang nasabing pagdinig sapagkat karamihan sa mga miyembro ng Komite ay nasa kani-kanilang district office matapos magkaroon ng session break ang Kongreso.

Gayunman, nilinaw ng kongresista na sakaling matuloy ang imbestigasyon ng Ethics Committee patungkol sa apela ni Degamo para tanggalin bilang miyembro ng Kamara si Teves. Ang padinig aniya ay magiging isang “executive meeting” o hindi bukas sa publiko dahil sa ‘confidentiality” ng usapin.

Nabatid pa kay Espares na kahit naka-session break ang Kongreso ay maaari pa rin silang magsagawa ng pagdinig. Kabilang na ang iba pang mga Komite alinsunod sa patakaran ng Kamara.