Calendar
1.2M pasahero inaasahang dadagsa sa NAIA para sa Holy Week break
INAASAHANG aabot sa 1.2 milyong pasahero ang dadagsa sa mga terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para magbakasyon ngayong Holy Week break.
Ayon sa Manila International Airport Authority (MIAA) nakalatag na ang “OPLAN Biyaheng Ayos: Semana Santa 2023” na tatagal ng 10 araw kasama na ang Abril 10 na idineklara ring holiday ng Malacañang para sa pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan.
“We’re prepared. We are doing all of these initiatives in order to give our riding public a seamless travel experience here at NAIA, especially since this is the first time that we’ll have quite a long Semana Santa after 2019,” sabi ni MIAA General Manager Cesar Chiong.
Sinabi ni Chiong na nakikipag-ugnayan na rin ito sa may 20 ahensya ng gobyerno na mayroong kinalaman sa pagdaan sa paliparan.
Kasama sa mga ahensyang ito ang Bureau of) Immigration (BI) na nangako umanong daramihan ang mga bukas na counter upang maging maikli ang mga pila.
Ang Office of Transportation Security (OTS) ay naglagay naman umano ng dagdag na 50 tauhan para magbantay sa mga baggage feeder at passenger screening.
Pinaalalahanan na rin ang mga airline na sundin ang Air Passenger Bill of Rights at pagmalasakitan ang kanilang mga pasahero.