Rubio

Lalong pagpapaganda ng performance hangad ng BOC

192 Views

PINAPLANTSA ng Bureau of Customs (BOC) ang mga gagawin nitong hakbang upang mas lalo pang mapaganda ng performance nito.

Pinulong ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio ang top executives ng ahensya upang magsagawa ng quarterly assessment bago ang Holy Week break at pinag-usapan ang mga kinakailangang gawin at baguhin ng ahensya.

“We are dedicated in continuously improving our performance and delivering excellent service to our stakeholders, and the recent quarterly assessment at BOC allowed us to identify areas for improvement and discuss solutions,” sabi ni Commissioner Rubio.

Sumentro ang pagpupulong sa target na kitain ng ahensya sa mga darating na buwan at kung papaano ito maabot, ang suporta na kailangan ng mga port collector upang maabot ang kanilang target, at pagtukoy at pagresolba sa mga nakitang problema sa unang quarter ng taon.

Noong Marso ay nakakolekta ang BOC ng P80.133 bilyon lagpas ng P7.851 bilyon sa target nitong P72.282 bilyon.

Sinabi ni Rubio na ipinakikita nito ang dedikasyon, determinasyon at pagsisikap ng mga tauhan ng BOC.

“We will continue to push for reforms in the bureau to ensure that we are providing the best service to the Filipino people and contributing to the country’s economic growth,” dagdag pa ni Rubio.

Sa unang quarter ng 2023 ay nakakolekta ang BOC ng P213.619 bilyon lagpas ng P16.6 bilyon o 8.43 porsyento sa target nitong P197.020 bilyon.