Tansingco

3 pinaniniwalaang biktima ng trafficking naharang sa Mactan, Cebu

160 Views

Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong African na pinaniniwalaang biktima ng human trafficking sa Mactan, Cebu.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco ang tatlo, isang nanay at dalawang minor, ay galing sa Senegal at pinaniniwalaang ginamit lamang na transit point ang Pilipinas sa kanilang pagpunta sa South Korea.

Naharang ang mga ito noong Marso 30 matapos magpakita ng mga kuwestuunableng papeles.

“It appears that these Africans were victimized by a trafficking syndicate that uses the Philippines as a transit point for smuggling illegal aliens to other countries,” sabi ni Tansingco.

Napansin ng tauhan ng BI na ang Senegalese passport ng tatlo ay walang immigration arrival stamp.

Nang tanungin kung bakit walang arrival stamp ang kanilang pasaporte sinabi umano ng mga ito na dumating sila sa bansa sa pamamagitan ng bangka.

“This incident proves that human trafficking is not just a Philippine problem. It is a global problem that should be combatted through the combined efforts of all governments throughout the world,” dagdag pa ni Tansingco.

Ang mag-ina ay nasa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development sa Cebu.