Calendar
Performance, trust rating ni Speaker Romualdez umalagwa sa latest OCTA Research survey
SI Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang nakapagtala ng pinakamalaking pagtaas sa performance at trust rating, sa isinagawang Tugon ng Masa survey ng OCTA Research Group noong nakaraang buwan.
Sa survey na isinagawa mula Marso 24 hanggang 28, nakapagtala si Speaker Romualdez ng 59 porsyentong satisfaction rating, mas mataas ng 15 porsyento sa nakuha nitong 44 porsyento sa survey noong Oktobre 2022.
Ang nakuhang puntos ni Speaker Romualdez sa pinakahuling survey ay nangangahulugan na nakararaming Pilipino ang pabor sa kanyang ginagawa kasama na ang pagtaguyod sa mga mahahalagang panukalang batas na kailangan ng Marcos administration sa pagpapabuti sa kalagayan ng mga Pilipino.
Si Speaker Romualdez ay nakapagtala naman ng 55 porsyentong trust rating o ang nakararaming Pilipino ang nagtitiwala sa kanya. Ito ay mas mataas ng 17 porsyento kumpara sa survey na ginawa sa huling quarter ng 2022.
Si Speaker Romualdez ang nakapagtala ng pinakamalaking pag-angat sa limang pinakamataas na opisyal ng bansa.
Sa kaparehong survey ay nakapagtala naman si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng 80 porsyentong satisfaction rating at 83 porsyentong trust rating.
Si Vice President Sara Duterte ay nakakuha naman ng 84 porsyentong satisfaction rating at 87 porsyentong trust rating.
Si Senate President Juan Miguel Zubiri ay mayroong 53 porsyentong satisfaction at 50 porsyentong trust rating.
At si Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo ay nakakuha ng 41 porsyentong satisfaction at 39 porsyentong trust rating.
Kinuha sa survey ang opinyon ng 1,200 respondents. Mayroon itong ±3% margin of error at 95 porsyentong confidence level.