Rubio

Performance ranking ng Customs umangat, kinilala ng WB

200 Views

UMANGAT ang performance ranking Bureau of Customs ng Pilipinas ayon sa World Bank Logistics Performance Index (WB-LPI).

Mula sa ika-60 puwesto noong 2018, tumaas ang ranking ng Customs sa ika-43 puwesto sa 139 bansa na sinuri ng WB.

Ang WB-LPI ang sumusukat sa kakayanan ng mga bansa na makipagkalakalan ng mabilis at maasahan sa ibang bansa.

Naniniwala si Bureau of Customs (BOC) Commissioner Bienvenido Rubio na ang pagtaas ng performance ranking ng Pilipinas ay indikasyon na tama ang mga hakbang na ginagawa ng Adwana.

“The latest results of the World Bank Logistics Performance Index (LPI) prove that the BOC is on the right track as regards trade efficiency. We shall continue these trade facilitation efforts while implementing new measures to maximize the performance of Customs processes,” ani Commissioner Rubio.

Ginawa ang survey mula Setyembre 6 hanggang Nobyembre 5 noong nakaraang taon. Ang mga logistics professional ang tinanong kung gaano kadali o kahirap makipagkalakanan ng mga produkto sa iba’t ibang bansa.

Ang mga ekonomiya ay na-rate batay sa performance ng Customs, imprastraktura, mga internasyonal na pagpapadala, logistics competence at equity, pagiging maagap, at mga sukatan ng pagsubaybay sa mga kargamento.

Ang Pilipinas ay nasa rank 59 sa customs performance ngayong taon, tumaas mula sa 85 noong 2018.

Nagsasagawa ng mga pag-aaral ang BOC upang mas maging epektibo at mabilis ang mga proseso nito kaugnay ng pag-angkat at pag-export ng mga produkto. Tinutugunan ng ahensya ang mga bottleneck sa kanilang proseso sa mabilis na panahon.

Isa sa ginagawa ng BOC ay ang pag-digitalize ng mga proseso nito.

“We will continue to automate our systems and processes, computerize our work, and modernize our facilities and procedures. We are setting our goals towards the achievement of our priority programs under the guidance of President Ferdinand Marcos Jr.,” dagdag pa ni Rubio.