masino

E-voting para sa mga OFWs tinalakay

Mar Rodriguez May 18, 2023
239 Views

masinomasinoNAKIPAGPULONG ang One Filipinos Worldwide Party List Group sa mga tauhan ng Commission on Elections at iba pang ahensiya ng gobyerno para pag-usapan ang House Bill No. 6770 na naglalayong isulong ang electronic voting para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Sa pamamagitan ng Technical Working Group, sinimulan na ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino, chairperson ng TWG, ang diskusyon kaugnay sa HB No. 6770 na dinaluhan din ng Department of Migrant Workers (DMW), Department of Foreign Affairs (DFA), Commission on Filipinos Overseas (CFO) at House Committee on Electoral Suffrage.

Sinabi ni Magsino na layunin ng HB No. 6770 na mas palawigin pa ang pamamaraan ng pagboto o “voting methods” ng mga overseas voters o mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa sa pamamagitan ng electronic o internet voting.

Ipinaliwanag pa ni Magsino na pinag-usapan nila sa TWG kasama ang mga nasabing ahensiya ng pamahalaan ang pag-finetune o gawing polido ang ilang provisions ng HB No. 6770 bago ang nakatakdang deliberasyon nito sa plenaryo ng Kamara de Representantes ngayong taon.

“We want to avoid voting disenfranchisement of the 1.83 million-strong Overseas Filipino Workers (OFWs) and to further encourage them to exercise their right to suffrage, Thus we welcome COMELEC’s policy direction on internet voting, as they have discussed in their meeting,” ayon kay Magsino.

Ipinaliwanag pa kongresista na ang pangunahing problemang kinakaharap ng mga OFWs ay ang pagpapa-rehistro partikular na sa pagboto sa tuwing magkakaroon ng eleksiyon sa Pilipinas dahil sa limitasyon sa lugar ng kanilang pinagta-trabahuhan o kaya naman ay sa skedyul ng kanilang trabaho.

Binigyang diin pa ni Magsino na ang ganitong sistema ay mas lalong mahirap para naman sa mga Filipino seafarers o mga Pilipinong tripulante na naka-destino sa barko kapag nagdaraos ng eleksiyon sa Pilipinas.

Ikinatuwiran pa ng OFW Party List lady solon na hindi lahat aniya ng foreign post o Philippine Embassy sa iba’t-ibang panig ng mundo ay mayroong opsiyon na makapag-padala ng boto sa pamamagitan o “via mail”. Kung kaya’t kailangan pang bumiyahe ang mga OFWs papunta sa sa consulate o Embassy para bumoto.

Dahil dito, sinabi ni Magsino na nitong nakalipas na 2022 national elections ay nasa 1.6 million registered overseas voters lamang ang nakaboto.