Madrona

Mataas na record ng mga dayuhang turista na bumisita sa Pilipinas ikinagalak ng House Committee on Tourism

Mar Rodriguez Jun 4, 2023
140 Views

FrascoIKINAGALAK ng House Committee on Tourism ang magandang balitang ipinahayag ni Department of Tourism (DOT) Secretary Maria Christina Garcia Frasco na pumalo na sa 2,029,419 ang record at bilang ng international visitors o dayuhang turista na bumisita sa Pilipinas mula January 1 hanggang May 15, 2023.

Dahil dito, optimistiko si Romblon Lone Dist. Congressman Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, Chairman ng Tourism Committee sa Kamara, na nawa’y magtuloy-tuloy na aniya ang magandang record na naitala ng Tourism Department patungkol sa pagbisita ng mga dayuhang turista sa Pilipinas.

Sinabi ni Madrona na ang magandang record na naitala ng DOT ay nangangahulugan lamang umano na hindi na masyadong kinasisindakan o ikinababahala ng mga foreign visitors ang COVID-19 pandemic sa bansa. Hindi aniya katulad noong una itong mamuksa sa bansa noong 2020.

Ipinaliwanag din ni Madrona na ang nasabing magandang record na naitala ng DOT ay resulta din ng kanilang pagsisikap at pagpupursige na maisulong at mai-promote ang turismo ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga inihain nilang panukalang batas upang maisa-ayos ang mga kalsada patungo sa isang tourist destination.

Naniniwala din si Madrona na dahil sa suportang ibinibigay ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. para sa Philippine tourism. Hindi aniya imposibleng maging isang “tourism powerhouse” sa buong Asia ang Pilipinas bunsod narin ng magandang katangian o ang pagiging hospitable ng mga Pilipino.

Batay sa record ng DOT naitala ang “top 5” na mga bansa na bumisita sa Pilipinas, ang mga Koreano ang siyang nanguna sa bilang ng mga international tourists na nagtungo sa Pilipinas na may record na 487,502 o 24,35%, pumangalawa naman ang United States of America (USA) na may 352,894 o 17.62%, sumunod ang Australia (102,494 o 5.12%), Canada (98,593 o 4.92%), Japan (97,329 o 4.86).

Sinabi pa ni Madrona na dahil sa magandang record ng mga dayuhang bumisita sa Pilipinas. Malaki naman umano ang naging ganansiya nito para sa ekonomiya ng bansa sa pamamagutan ng revenues.