Calendar
Manila congressman pinalagan ang ‘pagmamatigas’ ng GRAB Philippines
PINALAGAN ng isang kongresista at Chairman ng House Committee on Metro Manila Development ang pagmamatigas ng GRAB Philippines dahil sa lantarang pagbabalewala nito sa mga batas ng bansa o Philippine laws at garapalang paglapastangan sa Kamara de Representantes.
Sa panayam ng People’s Taliba, sinabi ni Manila 2nd Dist. Congressman Rolando M. Valeriano, Chairperson ng Committee on Metro Manila Development sa Kamara, na harap-harapan at lantaran aniya ang pagbabalewala ng GRAB Philippines sa mga batas ng Pilipinas partikular na sa Kongreso.
Binigyang diin ni Valeriano na mistulang ang pakiramdam umano ng nasabing kompanya ay “untouchable” sila at hindi sila maaaring kantiin ng Philippines laws partikular na sa imbestigasyon ng Kongreso kung saan parang pinalalabas aniya ng GRAB Philippines na sila’y “immune from suit”.
Ipinaliwanag ni Valeriano na kaya malakas ang loob ng GRAB Philippines dahil ang ginagamit at kinakasangkapan umano nilang “alibi” na sila ay isang “US public listed company” at hindi sila saklaw ng mga batas ng Pilipinas at hindi rin sila maaaring maglabas ng mga impormasyon patungkol sa kanilang kompanya.
Sinabi ni Valeriano na kaya hindi na siya magtataka kung bakit makailang beses ng iniisnab at lantarang hindi sinisipot ng mga opisyales ng GRAB Philippines ang pagpapatawag nito ng imbestigasyon kaugnay sa mga isyung kinasasangkutan ng nasabing kompanya.
Ayon sa Manila congressman, lantarang ipinapakita umano ng naturang kompanya na ayaw nilang makipagtulungan sa mga kongresista sapagkat sa mga isinagawa nilang pagdinig ay parang tikom ang bibig ng ipinadala nilang legal team sa pagsasabing hindi nila alam ang operasyon ng GRAB Philippines.
“Imagine? In our past hearings, they were reluctant to attend and when they sent a legal team, they evaded the congressmen’s queries saying that they were not privy to the operations of GRAB Philippines,” sabi ni Valeriano.
Idinagdag pa ni Valeriano na: “Is GRAB taking our government easy? I find some disrespect in its behavior, perhaps. Like spoiled monopoly in the TNVS industry”.