Kasal nina Maine at Arjo: A toast to forever

Eugene Asis Jul 29, 2023
241 Views

MARJOMARJOMARJOMARJO MARJO MARJO MARJO MARJOKASAL na ang TV host/actress na si Maine Mendoza at aktor/politician, Quezon City First District Representative, Arjo Atayde.

Naganap ang kasalan kahapon, Hulyo 28, 2023 sa Alphaland Baguio Mountain Lodges Chapel sa Baguio City ganap na ikatlo ng hapon.

Tulad ng mukha ng bride and groom, maaliwalas ang kapaligiran sa naturang venue, na nagsisimula sa tila simpleng suot na gown ng bride, na pinaningning ng kanyang mga ngiti sa bawa’t galaw.

Kung titingnan ay simple, pero rock wika nga, ang suot na puting gown ni Maine na kahawig ng isinuot ng Korean superstar na si Son Ye Jin sa kasal nila ni Hyun Bin.

Tila kinopyang kuwento mula sa isang fairytale book ang love story nina Maine at Arjo.

Lubhang mahalagang araw ang Hulyo 28 para sa dalawa.

Hulyo 28, 2013 nang magpost si Maine sa Twitter ng ‘Arjo cute’ with crying emoji. Hindi pa sila magkakilala noon. Nangangahulugang matagal nang crush ni Maine ang mahusay at guwapong aktor.

Hulyo 28, 2018 naman nang magkakilala ang dalawa sa story conference ng pelikulang ‘Jack Em Popoy: The Puliscredibles’ na pinangungunahan nina Vic Sotto at Coco Martin.
Hulyo 28, 2022 nang mag-propose si Arjo sa dalaga.

At sa edad na 28, ikinasal si Maine kay Arjo (32) nitong nakaraang Hulyo 28.

Matagal nang tanggap ng pamilya Atayde si Maine, lalo na ng ina ni Arjo, ang beteranang aktres na si Sylvia Sanchez, Noong isang taon pa man, gusto na ni Sylvia na magkaapo sa dalawa. Kapag bisita ng mga Atayde si Maine sa bahay ng mga ito sa White Plains, tila piyesta ang saya ng paligid.

Matagal nang kapatid ang turing sa kanya ng mga kapatid ni Arjo na sina Ria, Gela at Xavi, at bagama’t madalas na tahimik at pangiti-ngiti lang ang amang si Arturo (Papa Art ang tawag ng lahat), makikita sa kanyang mga mata na tanggap na tanggap niya bilang isa pang anak na babae si Maine.

Samantala, kahit malayo ang Baguio, kumpleto ang mga malalapit na kaibigan nina Arjo at Maine sa kasal. Namataan doon ang nangungunang loveteam sa bansa na sina Daniel Padilla at Kathryn

Bernardo, ang kasintahan ni Ria na si Zanjoe Marudo, Quezon City Mayor Joy Belmonte, Korina Sanchez, ABS-CBN exec Cory Vidanes, Helen Gamboa, Julius Babao at Tintin Bersola-Babao, at iba pa. Kabilang naman sa entourage sina Ciara Sotto, Kristine Herrmosa, Sheena Halili, maging ang ikakasal na ring si Maja Salvador. Kabilang siyempre sa mga ninong si Bossing Vic Sotto.

Kumpleto ang pamilya ng bride and groom, mula kina Sylvia at Papa Art, gayundin ang mga magulang ni Maine na sina Mr. and Mrs. Teodoro and Mary Ann Mendoza, at mga kapatid at kaibigan ni Maine.

Pagkatapos ng kasal, nag-post si Arjo ng isang tula para kay Maine na may pamagat na A Toast to Forever. Punumpuno ito ng damdamin ng isang tunay na nagmamahal. Sa oras na ito, wala na nga sigurong mahihiling pa si Maine, at tulad ng nilalaman ng tula ni Arjo, isang hiling na sana nga, habambuhay na ang kaligayahang ito.