Ed Andaya

Mula kay Diay hanggang kay Kayla

Ed Andaya Aug 12, 2023
268 Views

BUKOD sa nalalapit na FIBA World Cup 2023 na kung saan isa ang Pilipinas sa tatlong bansa sa Asya na magiging hosts, inaabangan na din ang 19th Asian Games sa Hangzhou, China na nakatakda sa susunod na buwan.
Gaya sa paningin ng karamihan na mga sports fans, maituturing itong Asian Games na Olympics ng Asya dahil dito na din makikita ang mga pinakamagagaling at pinakatalentadong atleta sa rehiyon.
Bago pa sa Olympics, dito muna sa Asian Games nagpapakitang gilas ang mga natatanging atleta mula sa iba’t ibang bansa sa Asya, gaya ng Pilipinas.
At kung Asian Games din lang ang pag-uusapan, hindi maikakaila na ang pangalang Lydia de Vega ang isa sa mga unang maaalala ng mga masugid na sports fans hindi lang ng PIlipinas kundi ng buong Asya.
Wala na ngayon sa ating piling si Diay, na pumanaw sa sakit na breast cancer nung Aug. 10, 2022, or eksaktong isang taon na ang nakalipas
Subalit nananatili sa ating kamalayan kahit ngayon ang two-time Asian Games sprint queen na kung ilang ulit ding nagpasaya sa lahat dahil sa pagbibigay ng karangalan sa bansa sa track and field.
Wala pang pumapalit kay De Vega, na napili bilang isa sa mga natatanging atleta sa Philippine Sports Hall of Fame ng Philippine Sports Commission (PSC) nung 2018, sa kanyang narating na kasikatan.
Pero umaasa ang buong bansa, lalo na ang Philippine Olympic Committee (POC), sa pangunguna ni president Abraham “Bambol” Tolentino at PATAFA, sa pamumuno ni Terry Capistrano, na hindi lang isa kundi madaming De Vega ang susulpot sa nalalapit na Hangzhou Asian Games upang muling itaas ang bandila ng Pilipinas.
Sa Asian Games, isa ang sikat na Filipino-Canadian swimmer na si Kayla Sanchez ang inaasahang magpapakitang gilas para sa mga Pilipino.
Ang 22-year-old na si Sanchez, na ipinagmamalaking parehong Filipino ang mga magulang, ay una nang kumatawan sa bansang Canada.
Nasungkit ni Sanchez kasama ang
kanyang mga Canadian teammates ang silver medal sa 4x100m freestyle relay sa nakalipas na Tokyo Olympics.
At ngayon nga na pinayagan na siya ng World Aquatics na lumipat ng bansa mula Canada papuntang Piilipinas, buhos na ang ginagawang paghahanda ni Sanchez para sa Asian Games.
Sa katotohanan, hindi na lumahok si Sanchez sa nakalipas na world championships sa Fukuoka, Japan upang ituon ang pansin sa Asian Games.
Kung maaalala, huling nakapag-uwi ng swimming medal ang Pilipinas sa Asian Games sa New Delhi, India nung 1982 mula kay William Wilson sa men’s 200m freestyle.
At tulad ni De Vega nung kanyang kasikatan, tinitiyak ni Sanchez na ibibigay niya ang lahat ng kanyang makakaya upang magbigay karangan sa kanyang lupang hinirang.
Good luck.

Maituturing na red-letter day para sa Philippine horseracing ang Aug. 9 dahil sa ginawang pagbubukas ng Gambit OTB, ang pinakaunang off-track betting station sa Iloilo kamakailan.
Pinangunahan ni owner Carlo Armada at dinaluhan ni Philippine Racing Commission Chairman Reli De Leon ang nasabing pagbubukas ng Gambit OTB.
“It is an honor for us that we in Iloilo are the first ones in the Visayas to have an OTB. We have always been fascinated by the excitement that horseracing brings to the public,” pahayag ni Armada sa bayang karerista.
Para nanan kay De Leon, ang pagbubukas ng nasabing OTB sa iloilo ay
ay “big step forward in bringing Philippine horseracing across the islands and we expect that there will be other OTB’s to follow in the rest of the country.”
Ang Gambit OTB ay matatagpuan sa Salazar Building sa Cabatuan Public Market.

NOTES — Belated happy birthday sa aking sister na si Mary Grace Andaya-Ypil , na nagdiwang kasama ang pamilya nitong nakalipas na Aug. 5…
Welcome home sa aking balikbayan high school friend Nick Garcia at wife Nellie sa kanilang muling pagdalaw sa bansa matapos ang mahabang panahon sa US.

Para sa mga komento at suhestiyon, maaring mag-email sa [email protected].