Obiena Obiena: Pinoy pride. Photo mula sa Facebook page ni Obiena.

Obiena kumpiyansa sa Budapest

Robert Andaya Aug 23, 2023
273 Views

SA inaasahang magsisilbing preview ng 2024 Paris Olympics, sasalang sa panibagong matinding pagsubok si Filipino hero E.J. Obiena laban sa mga pinaka-magagaling na pole vaulters sa buong mundo sa World Athletics Championships sa Budapest, Hungary.

Umaasa si Obiena na muling makapag-pakitang gilas laban kina world No. 1 Arman Duplantis ng Sweden, Chris Nilsen, Sam Kendricks at KC Lightfoot ng United States, Kurtis Mardchall ng Australia, Sondre Gottormsen ng Norway, Piotr Lisek ng Poland at Menno Vloo ng Netherlands.

Ang 27-year-old Filipino champion, na gumawa ng kasaysayan matapos pumangatlo kina Duplantis at Nilsen sa World Championships sa Eugene, Oregon, United States nung nakalipas na taon, ay nangangako na muling aakyat sa podium sa Budapest.

Pero hindi siya magtatangka na muling makakuha ng bronze medal lamang.

Pipilitin niya na lagpasan pa ito.

Una, kailangan ni Obiena na lumusot sa 35-man elimination round ngayong Miyerkules bago sumabak sa finals sa Sabado.

“Will be in Group A later today at 10:15 a.m. (4:15 p.m., Manila time). Automatic qualifying at 5.80m or Top 12. Join me in prayer for good results,” panawagan ni Obiena sa kanyang Facebook page.

Si Obiena, na nakatitiyak na ng ticket sa Paris Olympics sa susunod na taon, ay hindi pa nabibigo na makarating sa podium ngayong taon.

Ang Tondo-born na si Obiena ay nakapag top three sa kanyang huling siyam na kumpetisyon.

Last month, ang world no. 3 na si Obiena ay pumangalawa kay Nilsen sa 5.82 meter sa Monaco leg ng Wanda Diamond League.

Samantala, si Duplantis ay pumang-apat lamang sa kanyang 5.71 meters , way below sa kanyang world record na 6.22m.

Tinalo na din ni Obiena si Duplantis sa Brussels Diamond League last September, na kung saan nasungkit niya ang gold sa 5.91 meters.

Si Duplantis ay nakuntento sa silver sa 5.81m.

Gayunman, si Duplantis ay nananatiling player to beat sa Budapest.

“Mondo (Duplantis) pushed the quality of pole vault to a high level. It’s very good for the sport, but bad for the other pole vaulters because it’s hard,” pahayag ni Obiena sa mga naunang interviews.

“But I do enjoy competing with him, and we’re pretty good friends,” dagdag ni Obiena, na nakakuha ng ticket para sa Paris matapos itala ang 5.82m standard sa Bauhaus Galan sa Sweden last July.

Bigo naman ang dalawa pang mga Filipino campaigners sa Budapest na sina Eric Shauwn Cray at Robyn Lauren Brown, na kapwa natalo sa men at women 400 meters hurdles.