Magsino

Nirebisang guidelines ng IACAT napakahigpit — Magsino

Mar Rodriguez Aug 30, 2023
155 Views

MASYADONG napaka-higpit ng revised guidelines na ipinatutupad ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) kasama na ang mga Pilipinong biyahero”.

Ito ang pahayag ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino patungkol sa nirebisang guidelines ng IACAT para sa mga OFWs at mga Pilipinong bumibiyahe palabas ng bansa na sinasabi nitong masyadong estrikto kasunod ang napakaraming aberya o inconveniences.

Binulalas din Magsino ang nasabing usapin sa ginanap na budget deliberations ng Department of Justice (DOJ) para sa kanilang 2024 proposed national budget. Kung saan, sinabi nito na ang revised guideline ng IACAT ay mistulang kalbaryo para sa mga pasahero sapagkat hinihinhgi sa kanila ang mga karagdagang dokumento na napaka-hirap umanong makuha o ma-acquire.

“Masyado pong strict to support yung ating anti-human trafficking. We have to preserve the ease of travelling sa ating mga passengers with respect to their constitutional right to travel,” sabi ni Magsino.

Binigyang diin ni Magsino na walang siyang tutol sa isinasagawang hakbang ng IACAT para sawatain ang talamak na human smuggling sa bansa. Subalit iginigiit nito na hindi naman dapat makompromiso ang mga Pilipinong bumibiyahe palabas ng Pilipinas o kaya ay magdulot sa kanila ng perwisyo.

Bukod dito, sinabi din ng OFW Lady solon na maituturing din na isang napakalaking perwisyo at suliranin para sa mga biyahero ang requirement na ipinatutupad ng IACAT sa pamamagitan ng pag-oobliga sa mga pasagero na mag-prisinta ng original affidavit of support mula sa kanilang mga kamag-anak.

“Will they not cause further delay sa pagpo-process ng ating traveler in processing our travelers. Will they not provide a potential source of corruption among our immigration officials,” dagdag pa ni Magsino.