BBM2

PBBM hinimok mga Pinoy na magsama-sama vs smuggling

186 Views

HINIMOK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga Pilipino na magsama-sama upang labanan ang rice smuggling at hoarding sa bansa na maproteksyunan ang makatwirang presyo at suplay ng pagkain.

Sa kanyang talumpati sa Augusto Legaspi Memorial Sports and Cultural Center sa Kalibo, Aklan, sinabi ni Pangulong Marcos na kailangan ng gobyerno ang tulong ng mga Pilipino upang mapangalagaan ang pangunahing pagkain ng mga Pilipino laban sa mga mapagsamantala.

“Nais ko na rin pong gamitin ang pagkakataong ito upang [hikayatin] kayo na makiisa sa pagbabantay laban sa smuggling at sa hoarding at mga sindikatong patuloy na namamayagpag sa pagsasamantala sa taumbayan,” ani Pangulong Marcos.

“Tulungan po ninyo ang ating mga ahensya sa pagmamatyag upang mahuli at mapatawan ng angkop na parusa ang mga sumasabotahe sa sektor ng agrikultura at sa ating ekonomiya,” dagdag pa nito.

Ipinag-utos ni Pangulong Marcos ang paghahain ng kaso laban sa mga may-ari ng bigas na hindi umano legal na ipinasok sa bansa.

Sinabi ng Pangulo na ang mga nakumpiskang bigas ay ipamimigay ng gobyerno sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

“Sa Bagong Pilipinas na ating binubuo, hindi po tayo titigil hanggang [hindi] nabubuwag ang lahat ng mga sindikatong ito—at hanggang hindi maibalik sa normal [at] mababang presyo ng ating mga bilihin,” saad pa ng Pangulo.

“Bilang pang-wakas, sa ating pagdadamayan at tiwala sa isa’t-isa, tiyak na magtatagumpay tayo sa pagkamit ng Masagana, panatag, at matatag na buhay para sa lahat ng mga Pilipino. Wala nang gutom, walang maghihikahos, at wala ring maiiwan sa pagsalubong sa maliwanag na bukas,” wika pa nito.

Ang ipinamigay na bigas sa Aklan ay bahagi ng mga nasamsam ng Bureau of Customs sa Zamboanga.