Calendar
Mga kongresista mula sa Visayas buo ang suporta kay Speaker Romualdez
BINIGYANG DIIN ni House Deputy Speaker at Cebu 5th Dist. Cong. Vincent Franco “Duke” D. Frasco na solido at buong-buo ang suporta ng “Visayan Bloc” sa Kamara de Representantes para kay House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez.
Ayon kay Frasco, nagpahayag ng pagsuporta ang mga kongresista mula sa Visayas kay Speaker Martin G. Romualdez sa harap ng mga pag-atake rito dahil sa desisyon ng Kamara de Representantes na ilipat ang P1.23 bilyong confidential funds sa ilalim ng panukalang budget para sa susunod na taon.
Sa isang joint statement, nagpahayag ng suporta ang 12 kongresista na mula sa Cebu at ang lahat ng tatlong kinatawan ng Bohol kay Speaker Romualdez na nagpakita umano ng natatanging pamumuno at dedikasyon para mapabuti ang kalagayan ng mga Pilipino.
“We, the Cebu bloc, including representatives from the Province of Bohol, stand firm and united in the House of Representatives under the dynamic and transparent leadership of Speaker Ferdinand Martin Romualdez, towards the upliftment of the lives of the Filipino people,” sabi ng pahayag.
Nakapirma sa pahayag sina Cebu province representatives Rhea Mae A. Gullas (1st District), Edsel A. Galleos (2nd District), Pablo John F. Garcia (3rd District), Janice Z. Salimbangon (4th District), Deputy Speaker Vincent Franco D. Frasco (5th District), Daphne A. Lagon (6th District), at Peter John D. Calderon (7th District).
Pumirma rin sina Emmarie “Lolypop” Ouano-Dizon (Mandaue City, Lone District), Eduardo R. Rama Jr. (2nd District, Cebu City), Sonny L. Lagon (Ako Bisaya Partylist), Maria Cynthia K. Chan (Lapu-Lapu City, Lone District), at Deputy Speaker Raymond Democrito C. Mendoza (TUCP Partylist).
Kasali rin sa pahayag ang mga kinatawan ng Bohol na sina Edgardo M. Chatto (1st District), Maria Vanessa A. Aumentado (2nd District), at Kristine Alexie B. Tutor (3rd District).
Pinuri ng mga kongresista si Speaker Romualdez sa pagsulong nito ng mga makabuluhang panukalang batas na makatutulong sa mga Pilipino at sa ekonomiya ng bansa gaya ng Trabaho para sa Bayan Act, Regional Specialty Centers Act, at One Town One Product Act.
Mahalaga rin umano ang naging pamumuno ni Speaker Romualdez kaya naipasa ang House Bill (HB) No. 8980, o ang panukalang 2024 General Appropriations Bill na nakalinya sa Medium Term Fiscal Framework, 8-point socioeconomic agenda, at Philippine Development Plan of 2028 na makatutulong para sa sama-samang pag-angat ng mga Pilipino.
Kanila ring kinilala ang pagsulong ni Speaker Romualdez sa iba’t ibang panukala na paglinang ng turismo, eco-tourism parks, marine hatcheries, fish ports, national high schools, ospital, skills development, national shrines, environmental initiatives, at pagpapaganda ng mga kalsada at.
Ang mga hakbang na ito, ayon sa kanila ay nagsusulong ng pag-unlad sa mga kanayunan upang hindi maiwanan sa pag-unlad ang mga ito.
Naging sentro ng pag-atake ang Kamara matapos na ilipat nito ang confidential fund ng iba’t ibang civilian agency sa mga ahensya na ang pangunahing mandato ay magbigay ng seguridad sa bansa sa gitna ng ginagawa ng China sa West Philippine Sea.
Nagsalita rin si dating Pangulong Rodrigo Duterte na nagsabi na ang Kongreso ang pinakap-korupt na institusyon at dapat umanong i-audit ang kanilang pork barrel fund.
Pinagbantaan din ng dating Pangulo si ACT Teachers Rep. France Castro, na miyembro ng Makabayan bloc at kritiko ng confidential fund ng kanyang anak na si Vice President Sara Duterte.
Humihingi ang Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) ng kabuuang P650 milyong confidential fund para sa 2024.
Pinuna rin ng Makabayan bloc ang paggamit ni VP Duterte ng P125 milyong confidential fund noong 2022 na naubos umano sa loob ng 11 araw.
Iginiit ng mga mambabatas na ang paglipat sa confidential fund ng OVP, DepEd, Department of Information and Communications Technology, Department of Foreign Affairs, at Department of Agriculture na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay para sa kapakanan ng bansa.
Sinabi rin ng mga kongresista na walang pork barrel ang Kongreso dahil matagal na itong ipinagbawal ng Korte Suprema.
Lumabas din sa ulat ng Commission on Audit na ang Kamara ay walang notice of disallowance, notice of suspension, o notice of charge na nangangahulugan na wala itong nakitang iregularidad sa paggamit ng pondo.
Ayon din sa COA ang Kamara ay mayroong P4.69 bilyong surplus na pondo noong 2022.