Barbers

Barbers nagbabala sa banta ng “Chinese invasion” sa Pilipinas

Mar Rodriguez Dec 13, 2023
170 Views

NAGBABALA ang Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs tungkol sa paunti-unting panghihimasok o “invasion” ng mga Intsik sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagbili nila ng mga property o ari-ariang lupa kabilang dito ang paglilinis nila ng perang galing sa pagtutulak ng illegal drugs.

Binigyang diin ni Surigao del Norte 2nd Dist. Cong. Robert Ace “Alas” S. Barbers, Chairman ng Committee on Dangerous Drugs, na nakaka-alarma ang nasabing ulat. Sapagkat baka dumating umano ang araw na pag-aari na ng mga Intsik ang Pilipinas dahil sa dami ng kanilang property o mga ari-arian sa bansa.

Dahil dito, hinihikayat ni Barbers ang mga intelligence at law enforcement agencies ng gobyerno upang halukayin mabuti o magsagawa sila ng isang masusing imbestigasyon patungkol sa nasabing ulat para mapigilan ang mga tiwaling Chinese nationals na sangkot sa tinatawag na “creeping invasion”.

Ipinaliwanag ni Barbers na sadyang bumibili ang mga Chinese nationals ng mga ari-arian at lupa dito sa Pilipinas gamit ang kanilang pera mula naman sa bentahan ng illegal na droga. Kung saan, ito’y isang pamamaraan para ma-launder o malinis umano ang nasabing “drug money”.

Sinabi pa ni Barbers na inamin mismo ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) na blangko sila kaugnay sa pagkakakilanlan ng di-umano’y mga Chinese-nationals na nakilala lamang bilang si “Willy Ong”.

Iginigiit naman ng Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano na kailangang imbestigahan ng mga law enforcement agencies si “Willy Ong” dahil sa balitang pag-aari nitong mga kompanya na naka-rehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC).

Ayon kay Valeriano, napakahalagang malaman ang katotohanan patungkol sa mga kompanya ni Willy Ong na naka-rehistro sa SEC bilang Empire 999. Kung saan, mayroon itong pag-aaring gasolinahan at nakabili ng nasa apat na hektaryang lupain sa Mexico, Pampanga sa pamamagitan ng mga Pilipino dummies.