Calendar
Hontiveros hinimok mga Pinoy na ipagtanggol karapatan ng PH sa WPS
GINIIT NI Senador Risa Hontiveros na dapat manindigan ang mga Pilipino na ipagtanggol ang ating karapatan at huwag aniyang matakot sa mga pwersa nagtutulak sa mga Pilipino na magsawalang kibo para maangkin na lamang ang ating karagatan.
Ito ang mariing paliwanag ni Hontiveros na kamakailan lamang ay tumungo sa pinagtatalunan na West Philippine Sea (WPS) upang mamahagi ng mga Pamaskong Handog niya sa mga Pilipino nagbubuwis ng buhay at karangalan upang maipagtanggol ang karapatan ng ating bansa.
Si Hontiveros, sa pamamagitan ng Atin Ito Christmas convoy, “Pasko n’Atin ’To,” ay namahagi ng ilang pamasko sa mga kasundaluhan at ilang civilian na naroroon kasama na ang ilang mangingisda at ang Philippine Coast Guard na walang humpay sa pagbabantay sa ating karapatan sa gitna ng dagat.
Hangga’t aniya hindi tayo gumagawa ng mali at hindi tayo nang a- agrabiyado at dapat aniya manindigan ang bawat Pilipino sa WPS. Hindi dapat manaig ang takot sa puso ng ating mga kababayan lalo na at wala naman tayong tinatapakan .
Sa isang partnership sa Bridges of Benevolent Initiative Foundation (BBIF) at Vivant Foundation, naisakatuparan ang pamamahagi ng 1,500 Noche Buena packs sa mga mangingisda sa Masinloc, Zambales.
“Alam na alam po natin ang hirap na dinaranas ng mga mangingisda ng Masinloc dahil sa panghihimasok ng Tsina sa West Philippine Sea. Pati ang kanilang tradisyonal na paghahanapbuhay, naapektuhan. Kaya itong pandagdag Noche Buena ay munting pasasalamat lang sa kanilang pagtindig laban sa Tsina,” ani Hontiveros.
Bukod pa sa Noche Buena ay namahagi din ang senadora kasama ang BBIF at ang Vivant Foundation, ng mga solar panels para sa Philippine Coast Guard, na pinangunahan at tinanggap naman ni Commodore Jay Tarriela.
“Itong mga solar panels ay pasasalamat at pakikiisa din sa Coast Guard dahil, sa ating mga ahensya ng ating gobyerno, sila rin ang pangunahing nagbabantay, nagsusubaybay at nagtatanggol sa ating West Philippine Sea,” ani Hontiveros.
Pinanindigan din ni Hontiveros na mas pag aaralan pa ng kongreso ang mga batas na mas magbibigay ng kaluwagan at proteksyon sa mga mamamayan natin na naroroon mismo sa WPS bilang frontliners ng ating bansa sa gitna ng pinag aagawan karagatan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina.
“Ang pangangalaga ng ating kalikasan — lalo na sa ating karagatan — at ang paglaban sa soberanya ay mga adbokasiyang hindi ko bibitawan bilang Senador at bilang mamamayan. Kasama ang bawat mangingisda at coast guard, hindi tayo titigil sa pagsigaw na ang West Philippine Sea — Atin Ito!” dagdag pa ng senadora.