Barry Gutierrez

Gabriela, Bayan: Duterte papanagutin sa di makatarungang pagkulong kay de Lima

134 Views

KUMPIYANSA ang isang dating party-list representative na mapapanagot si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at kanyang mga kasabwat kaugnay ng hindi makatarungang pagpapakulong kay dating Sen. Leila de Lima, na isang kritiko ng madugong war on drugs ng nakaraang administrasyon.

Sinabi ni Atty. Barry Gutierrez, dating kinatawan ng Akbayan Partylist, na ang pag-atras ni dating general Jerry Valeroso sa mga alegasyon nito kay De Lima ay isang bendikasyon sa dating senadora.

“I’m glad (former Sen. De Lima) is getting her long overdue, much-deserved vindication,” ani Gutierrez, dating spokesperson ni dating Vice President Leni Robredo.

“Klarong klaro: ginamit ng dating nasa poder ang pananakot at kasinungalingan para ikulong ng halos pitong taon ang isang walang sala,” dagdag pa nito.

“Umaasa ako na parating na ang araw na mananagot sila dito,” wika pa ni Gutierrez.

Si De Lima ang chairperson ng Commission on Human Rights nang imbestigahan nito ang Davao Death Squad na iniuugnay kay Duterte.

Nang maging senador, itinulak naman ni De Lima ang pagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng madugong war on drugs ng Duterte administration.

Kinasuhan ng Duterte administration si De Lima na iniugnay sa bentahan ng iligal na droga sa Bilibid. Nakulong si De Lima subalit isa isang umaatras ang mga tumayong testigo laban sa kanya.

Si Valeroso ang ika-13 saksi na bumaliktad sa kanyang mga pahayag laban kay De Lima.

Matapos makulong ng anim na taon, ipinag-utos ng korte na palayan si De Lima.

“During those years in detention, I found solace in that unwavering faith that sustained me. My faith in our Lord Almighty, my faith in the rule of law, my faith in all of you, in your unyielding commitment to truth and justice. That faith, my dear friends, I can say, is the anchor that kept me steady amid the storm,” sabi ni De Lima. (END)