DMW

DMW ipinasara consultancy firm sa illegal recruitment

179 Views

IPINASARA ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang consultancy firm na iligal umanong nagre-recruit ng mga manggagawa na nais magtrabaho sa Germany.

Ikinandado ni DMW Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac katuwang ang Migrant Workers Protection Bureau (MWPB) at Manila City Police ang Gisgerman Document Facilitation Services (GIS Manila) na nasa 2nd Floor, Alcantara Bldg., 704 Pablo Ocampo Sr. St., Malate, Manila.

Wala umanong permit ang GIS Manila upang mag-recruit ng mga hotel worker, caregiver, at nurse sa Germany. Humihingi umano ito ng P102,000 para sa language training.

Kapag natapos ang training, inire-refer umano ng GIS Manila ang aplikante sa mga German employer at hihingi ng P99,000 processing fee.

“We will never tolerate any individuals or companies preying on the hope of Filipinos wanting to land a decent job abroad. Again, I am reiterating this warning to our Kababayans to always check the DMW website (www.dmw gov.ph) for the list of licensed agencies and approved job orders to avoid illegal recruitment,” sabi ni Cacdac.

Sinabi ni Cacdac na ang mga naghahanap ng trabaho abroad ay maaaring tumingin sa website ng DMW para sa mga lisensyadong agency at aprubadong job orders.