Quiboloy

Suhol alok sa whistleblower para manahimik sa kaso ni Quiboloy

161 Views

ISINIWALAT ng isang whistleblower ang tangka umanong panunuhol sa kanya upang manahimik sa kaso ni Pastor Apollo Quiboloy.

Sa isang video na inilabas sa social media, sinabi ni Arlene Caminong Stone na mayroong nag-alok sa kanya ng bayad simula noong 2019 o dalawang taon bago nasampahan ng kaso si Quiboloy kaugnay ng child trafficking, visa fraud, money laundering at iba pang kaso sa Estados Unidos.

“There was no specific amount. But they told me I could name my price as an exchange [for a] public apology and admission na gawa-gawa ko lang lahat pinagsasabi ko,” sabi ni Stone.

Si Stone, na naninirahan na sa Minnesota ay dating miyembro ng “pastorals” ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na siyang personal na nagsisilbi kay Quiboloy.

Isa si Stone sa mga tinukoy ni Sen. Risa Hontiveros na haharap sa pagdinig na isasagawa ng Senado kaugnay ng mga akusasyon laban kay Quiboloy.

Inanunsyo ni Hontiveros, ang chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality na magsasagawa ng pagdinig ang kanyang komite kaugnay ng mga akusasyon laban kay QUiboloy at KOJC sa Enero 23.

Sinabi ni Hontiveros na nais nito na personal na dumalo si Quiboloy sa isasagawang imbestigasyon.

Si Stone at ilan pang dating miyembro ng KOJC ang nagpahayag ng kahandaan na makipagtulungan at tumestigo sa pagdinig ng Senado kaya inaasahan ang kanilang paghaharap ng kampo ni Quiboloy.

Sa inihaing resolusyon ni Hontiveros hiniling nito sa Senado ang pagsasagaw ang pagdinig kaugnay ng mga maling gawain umano ni Quiboloy gamit ang relihiyon.

Nabanggit sa resolusyon ang mga alegasyon laban kay Quiboloy gaya ng human trafficking, rape, at mga insidente ng sexual at physical abuse.

Tinuligsa ng abugado ni Quiboloy na si Ferdinand Topacio ang ginagawa ni Hontiveros dahil dinadala umano nito ang kaso sa trial by publicity sa halip na magsampa ng reklamo.

Sinabi ni Topacio na maaaring hindi ang Senado ang dapat na magsagawa ng imbestigasyon at iginiit ang kahalagahan ng maging patas ang legal na proseso.