Jinggoy

Jinggoy nagbigay pugay kay master lensman Romy Vitug

153 Views

INIHAIN ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada noong Lunes ang panukalang Senate Resolution No. 908 na nagpapahayag ng pakikiramay at pakikidalamhati ng Senado sa pamilya ng yumaong Romeo “Romy” Vitug, isang alamat na lensman at sikat na cinematographer.

Sa kanyang resolusyon, hiniling ni Estrada ang pagkilala ng Senado sa mahalagang ambag ni Vitug sa industriya ng pelikulang Pilipino.

“Ang walang kapantay na artistry at detalyado ni Vitug, hindi pagkokompromiso sa pagtututok sa kahusayan at kasanayan ang dahilan kung bakit siya ay isa sa mga pangunahing personalidad na malaki ang naitulong sa pagpapayaman at pagpapaunlad ng pelikulang Pilipino. Ang kanyang pagpanaw ay isang malaking kawalan sa industriya ng pelikula at sa sambayanang Pilipino,” ayon sa senador.

Bukod sa kanyang kahanga-hangang filmography, malaki rin ang naging ambag ni Vitug sa mga adbokasiya para mapaunlad ang lokal na industriya ng pelikula, tulad ng “Sagip Pelikula” film restoration project at anti-piracy information campaign ng Optical Media Board (OMB), sabi ni Estrada.

“Ang pambihirang pagkamalikhain at teknikal na kasanayan ni Vitug na hinasa ng maraming taon ng pagsusumikap, pagbabago at disiplina ay mga mahahalagang kasanayan para sa epektibong pagsasalaysay ng mga pelikulang Pilipino,” aniya.

Nagsimula si Vitug bilang isang photographer para sa mga pahayagan, naging newsreel cameraman para sa isang television network at stillman na kumukuha ng mga larawan ng mga tampok na pelikula para sa promotional materials bago sumabak sa cinematography kung saan sumikat dahil sa kanyang kasanayan sa lighting, framing at komposisyon.

Sa kabuuan ng kanyang kahanga-hangang karera, humakot ng mga parangal at pagkilala si Vitug at ito ang nagbunsod para ituring siya na pinakatanyag sa kanyang larangan.

Pinarangalan siya ng Cinemanila International Filmfest ng lifetime achievement award noong 2000, Natatanging Gawad Urian noong 201 at Metro Manila Film Festival (MMFF) Hall of Fame award noong 2019.

Gumawa rin si Vitug ng ilan sa mga hindi malilimutan at epic scenes sa mga pelikulang idinirek ng mga iginagalang na director tulad nila National Artists for Film na si Lino Brocka at Marilou Diaz-Abaya, Celso Ad Castillo, Carlitos Siguion-Reyna, Laurice Guillen at Olivia M. Lamasan.

Matapos ang mahigit na apat na dekadang karera, pumanaw si Vitug noong Enero 18 sa edad na 86.