PBBM Ipinaabot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pasasalamat nang mag-courtesy call sa Palasyo ng Malakanyang si US Ambassador to the Philippines Marykay Carlson. Screen grab mula sa RTVMvideo

Marcos sa Amerika: Salamat sa $1.25M tulong sa mga biktima ng baha sa Mindanao

Chona Yu Feb 14, 2024
175 Views

TAOS PUSONG nagpasalamat si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pamahalaan ng Amerika dahil sa $1.25 milyon na tulong para sa mga boktima ng pagbaha sa Mindanao.

Ipinaabot ni Pangulong Marcos ang pasasalamat nang mag-courtesy call sa Palasyo ng Malakanyang si US Ambassador to the Philippines Marykay Carlson.

Ibinalita ni Carlson kay Pangulong Marcos na naghatid ng tulong sa Mindanao ang dalawang C-130 mula sa Indo-Pacific Command.

Tiniyak ng ambassador na nakahandang umalalay ang Washington sa Pilipinas sa pamamagitan ng United States Agency for International Development (USAID), Joint United States Military Advisory Group (JUSMAG) at Indo Pacific Command (INDOPACOM).

Bilib naman si Carlson sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mahusay na koordinasyon ng relief supplies.

Marami pa anyang pwedeng gawin sa pamamagitan ng epektibong mekanismo kung saan nakikita kung paanong gumagana ang pagkakaroon ng magandang alyansa.

“There’s so much that can be done more efficiently through the mechanism that exists… but sometimes you just need an extra push and it is also a good demonstration of how good the alliance can deliver,” pahayag ni Carlson.

Pinasalamatan naman ni Pangulong Marcos ang gobyerno ng Amerika.

Tinukoy nito ang kahalagahan ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites para sa disaster relief and response.

Matatandaang bumiyahe sa Mindanao si Pangulong Marcos para mag-abot ng P265 milyong halaga ng financial assistance sa mga biktima ng baha dulot ng shear line at low-pressure area.