Magsino

Testimonya ng ex-OFW sinegundahan ni Magsino

Mar Rodriguez Feb 29, 2024
191 Views

SINEGUNDAHAN ni OFW Party List Congressman Marissa “Del Mar” P. Magsino ang testimonya ng isang dating Overseas Filipino Worker (OFW) bilang resource person sa ikatlong araw ng pagdinig ng Kamara de Representantes sa Resolution of Both House (RBH) No. 7.

Ayon kay Magsino, hindi na mapipilitan ang mga Pilipino na makipagsapalaran sa ibayong dagat kung dito na sa Pilipinas ay mayroong magandang trabaho silang makukuha sa pamamagitan ng mga dayuhang mamumuhunan o mga dayuhang negosyo na papasok sa bansa.

“Kung dito sa ating bansa ay mayroon ng maayos na trabaho at malaking sahod. Sa palagay ko ay hindi na siguro kailangan pang makipag-sapalaran ng ating mga kababayang OFWs sa abroad. Iyan naman talaga ang kanilang pinapa-ngarap, sin oba naman ang gustong mawalay sa kaniyang pamilya,” sabi ni Magsino.

Ipinahayag ng dating OFW na si Orion Dumdum sa pagpapatuloy ng hearing ng Committee of the Whole na posibleng na mag-uwian sa Pilipinas ang mga kagaya niyang OFWs sakaling tatanggalin ang tinatawag na “restrictions” na nakapaloob sa 1987 Philippine Constitution.

Ipinaliwanag naman ni Dumdum na kung tanggalin ang mga naka-angklang restrictions sa Konstitusyon. Inaasahan aniya na magkakaroon ng increase sa foreign investments, magkakaroon ng maraming trabaho at maaaring hindi na aalis ng bansa ang mga OFWs para magtrabaho sa ibayong dagat.

Binigyang diin ni Dumdum na hindi na kakailanganin pang mangibang-bansa ang mga Pilipino kung mayroon naman maayos at malaking sahod dito sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga papasok na “foreign companies”. Kung saan, mangyayari lamang aniya ito kung aalisin ang nasabing restrictions.

Bilang inimbitahang resource person, iminumungkahi pa ni Dumdum na tuluyan ng tanggalin ang mga restrictions sa economic provision ng Saligang Batas. Taliwas naman sa pagnanais ng mga pro-charter amendments advocates na gusto lamang nilang ilagay ang “phrase” na “as provided by law”.

“The effect of reducing foreign equity restrictions is the strongest, denoting its relatively greater importance as a statutory barrier for investors. Yan ang reality, joint foreign chambers have repeatedly said they want these restrictive economic provisions in the Constitutions out,” sabi ni Dumdum.