Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez Pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang groundbreaking para sa pagpapatayo ng 20-story Philippine Cancer Center s Quezon Avenue Diliman, Quezon City, Biyernes ng umaga. Kuha ni VER NOVENO

Romualdez: Itatayong Center makapagliligtas ng buhay mula sa nakamamatay na kanser

Mar Rodriguez Mar 8, 2024
107 Views

MAS maraming Pilipino ang maililigtas mula sa kamatayan sanhi ng kanser sa pagtatayo ng bagong ospital na nakasentro ang panggagamot sa mga pasyenteng may kanser.

Ito ang sinabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa groundbreaking ceremony para sa itatayong Philippine Cancer Center sa Quezon City noong Biyernes.

Ayon kay Speaker Romualdez, hangad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mabigyan ang mga Pilipino ng komprehensibo, abot-kaya at madaling pagkuha ng serbisyong pangkalusugan.

“Ito po ang misyon ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Ito ang misyon na pinagtutulungan nating bigyan ng buhay ngayong araw,” ani Speaker Romualdez.

Dumalo rin sa pagtitipon ang mga kinatawan mula sa Quezon City, si House Committee on Appropriations Chairman Zaldy Co ng Ako Bicol party-list, at Department of Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan, at ilang opisyal ng lokal na pamahalaan.

Ang Kamara de Representantes, partikular ang komite ni Co ay naglaan ng karampatang pondo para sa imprastraktura ng Cancer Center alinsunod sa Republic Act (RA) No. 11215 at sa Resource Stratified Framework na itinakda ng National Integrated Cancer Control Council.

Ayon kay Speaker Romualdez ang kanser ay ikalawang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino kaya hindi ito dapat na ipagwalang-bahala.

“Each year, thousands are diagnosed, and even more are left to battle without adequate support. This center is our response – to not only decrease mortality and morbidity but to also lessen the incidence of preventable cancers,” ayon kay Romualdez.

“Our aim is to transform cancer from a death sentence into a manageable condition that, when detected and treated early, can be overcome. We want to ensure strategic alignment with national cancer control plans, make treatment more equitable, affordable, and accessible, and improve the overall experience of cancer care for patients and their families,” dagdag pa ng mambabatas.

Ayon kay Romualdez, ramdam niya ang hirap na pinagdaraanan ng mga pasyenteng may kanser gayundin ang kanilang pamilya.

“Alam ko po ang problema ng mga pasyenteng may kanser. Alam ko rin ang sakit ng loob na pinagdadaan ng kanilang pamilya. Marami akong kaibigan, kasama sa trabaho at mga constituents na nasa ganitong sitwasyon,” ayon pa sa pinuno ng Kamara.

Binigyan diin pa ni Romualdez, ang malaking gastusin sa ospital, at matagal na gamutan para sa naturang karamdaman.

“Hirap humanap ng ospital na abot-kaya. Kung ma-ospital man, walang matulugan ang mga kaanak na nagbabantay. Hindi alam kung saan kukuha ng pambayad para sa pagpapagamot,” ayon pa sa mambabatas.

Sinabi pa ni Romualdez, na ang Cancer Center ay magsisilbing isang lugar para sa paghihilom at pagbibigay ng pag-asa.

“Together, let’s build a future where cancer is no longer a feared enemy, but a challenge that, with compassion, dedication, and innovation, we can overcome,” ayon pa sa kongresista.

“Naririto tayo ngayon hindi lamang para simulan ang pagtatayo ng isang building o infrastructure project. Nagsasama-sama tayo tuparin at pagtibayin ang pangarap ng ating mga kababayan na biktima ng sakit na kanser,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

“Kaya nating labanan ang sakit na kanser. Sama-sama nating pagtulungan ang misyon na ito. Para sa ating mga anak, mahal sa buhay at sa susunod na henerasyon,” giit pa ng pinuno ng Kamara.

Sinabi pa ni Speaker Romualdez na ang specialty cancer hospital ang magiging patunay ng ating sama-samang pagtugon na labanan ang sakit na kanser.

“This center is designed to be more than just a hospital. It is envisioned as a comprehensive sanctuary for diagnosis, treatment, research, and patient support – all under one roof. Our goal is to redefine cancer treatment in the Philippines, integrating the latest medical advancements and fostering collaboration among specialists to provide a world-class environment for our patients,” ayon pa sa lider ng Mababang Kapulungan.

“Hindi lamang natin bibigyan ng ospital ang mga may sakit ng kanser. Bibigyan din natin sila ng mga world-class na doctors at nurses na sasanayin natin at bibigyan ng kailangang suporta,” dagdag pa niya.

Bahagi ng itatayong gusali ang housing facilities para sa mga kamag-anak na magbabantay sa pasyente, at dormitoryo para sa mga doktor at nurse na mula sa mga lalawigan at sasailalim sa pagsasanay sa cancer center.

“Magtatayo rin tayo ng mga dormitoryo para may tulugan ang mga kamag-anak na nag-aalaga sa mga maysakit. Tutulungan natin silang makabangon, kasama ang kanilang mga mahal sa buhay, sa harap ng hamon na dala ng sakit na ito,” ayon pa kay Romualdez.

“Hindi lamang po gamot at alaga ang hatid ng ospital na ito para sa mga pasyente. Magiging training center din po ito at dormitoryo ng mga doktor natin galing sa malalayong probinsya. Layon natin na maging eksperto rin ang ating mga doktor para makapang-gamot ng kanser pagbalik nila sa kanilang mga komunidad,” dagdag pa niya.

Ang pagtatayo ng specialized cancer facility, ayon pa kay Romualdez, ay isang mahalagang yugto na tatatak sa kasaysayan ng pangangalaga sa kalusugan ng ating bansa kundi maging sa mga hindi mabilang na Pilipinong matagal nang nahihirapan at nakikipaglaban sa cancer.

Ang Philippine Cancer Center ay magiging isang modernong ospital para sa pagtuturo at pananaliksik, na ang bawat palapag ay nakatuon sa iba’t ibang uri ng cancer: sa atay, bato, gastrointestinal, baga, dibdib, women reproductive organs, balat, at maging sa mga bihirang uri ng cancer. Magiging komprehensibo ito – mula sa pagtukoy, paggagamot, pananaliksik, at suporta sa mga pasyente.

Itatayo ang gusali, na nasa 5,000-metro kuwadradong lupa sa loob ng Blood Bank Complex sa Quezon City, ay may 20 palapag at lalagyan ng mga kagamitan na mayroong makabagong teknolohiya.

Ang Cancer Center din ang kukumpleto sa medical complex na ipinatayo ng dating administrasyon ng Pangulong Ferdinand Marcos Sr. kung saan matatagpuan ang National Kidney and Transplant Institute, ang Philippine Heart Center, ang Lung Center, at ang Philippine Children’s Medical Center.

Ang mga pagamutan nabanggit ay matatagpuan sa kahabaan ng East Avenue at Quezon Avenue malapit sa Quezon City Memorial Circle at City Hall. Matatagpuan din sa lugar ang isa pang pampublikong pagamutan, ang East Avenue Medical Center.

Ilan pa sa mga opisyal at mambabatas na dumalo sa ground breaking ceremony si Deputy Majority Leader at Iloilo Rep. Janette Garin, ang dating health secretary; mga kongresista ng Quezon City na sina Marvin Rillo, Ralph Tulfo, at Franz Pumaren, Vice Mayor Gian Carlo Sotto, Health Assistant Secretary Ariel Valencia, Philhealth Corp. president Emmanuel Ledesma Jr., Philippine Cancer Center interim Executive Director Alfonso Nuñez lll, at Menchie Auste-Sarmiento ng Cancer Warriors Foundation, Inc.