Calendar
Update sa kalagayan ng 13 Pinoy na nakaligtas sa pag-atake ng Houthi hiling ni Speaker Romualdez
IPAPATAWAG ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang mga opisyal ng Department of Foreign Affairs upang humingi ng update kaugnay ng kalagayan ng 13 Pilipino na nakaligtas sa pag-atake ng rebeldeng Houthi sa kanilang barko sa Yemen.
“Pagdating ni Speaker, we will be definitely be calling on the DFA to give a status (report) kung anong nangyayari,” ani Deputy Majority Leader for Communications at ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo sa isang regular na press conference sa Kamara.
“I believe we can only do so much. Kasi we don’t have direct communications or relations or a diplomatic ties with Yemen, with the Houthis. So, ang nangyayari, we go to a third party. Mayroon tayo like, baka pwedeng pakiusapan. Iyung kausap natin may kausap pang iba. So parang nangyayari ngayon sa Palestine saka sa Israel sa Hamas,” saad pa nito.
“Ang daming namamagitan. May parang mga middleman, may mga grupo. Ganoon din dito, hindi directly tayo nakikipag-usap sa Houthis, di talaga directly nakikiipag-usap sa Yemen…So pagbalik ni Speaker next week, I’m sure magpapa-briefing siya sa DFA where we stand at saan na. And then, gusto rin ni Speaker daw malaman yung sitwasyon ng pamilya ng mga kababayan natin na na-hostage ngayon,” dagdag pa ni Tulfo.
Sinabi naman ni Anakalusugan Partylist Rep. Ray Reyes na gagamitin ng kamara ang oversight function nito upang alamin ang kalagayan ng mga manlalayag na Pilipino.
“Ang ano po natin dito is to closely monitor, then we leave this to the capable hands po ng DFA po natin. They are the ones who are on the ground. Sila po ang may up to date situation and we will look forward who doon sa update po nila pagdating ni Speaker,” ani Reyes.
Nanawagan din si Reyes sa DFA at Department of Migrant Workers upang tulungan ang mga manlalayag at kanilang pamilya.
“Ang panawagan naman din naman dito sa Kongreso is either sa DFA or sa Department of Migrant Workers ay mabigyan din po ng assistance po iyung mga pamilya po ng mga seafarers natin dito,” sabi pa ni Reyes.
Bukod sa tulong pinansyal, sinabi ng mambabatas na kailangan ng mga manlalayag na regular na makaugnayan ang kanilang pamilya.
Binigyang-diin naman ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin ang pangangailangan na mapangalagaan ang mga manlalayag na Pilipino.
“Aside sa syempre pera at subsistence nila, andoon ‘yung maibsan ‘yung kaba. So, the mere fact that our government has open lines to those negotiating, that’s already a big first step. Iyong may linya ka alam mo kung ano ang nangyayari at ramdam ng kanilang mga pamilya na anduduon sila umaasa na mailabas,” ani Garin.
“I believe at the proper time, mabibigyan din iyan ng solusyon. Kasi usually even the vessel owners and even the country where these companies are registered, sila ang pumapasok para mabigyang solusyon ang problemang ito. Kasi it’s a geographical problem eh, parang kailangan mong dumaan sa lugar na iyon at duon naman ay napakabilis na iki-kidnap iyong ating mga kababayan,” saad pa nito.
Matatandaan na inatake ng rebeldeng Houthi ang barkong True Independence na nagresulta sa pagkasawi ng tatlo katao kabilang ang dalawang Pilipino.