Calendar
P2.5B fuel subsidy para sa PUV drivers inilabas na ng DBM
INILABAS na ng Department of Budget and Management (DBM) ang P2.5 bilyong pondo para sa fuel subsidy ng mga drivers ng pampublikong sasakyan.
“Masaya namin binabalita na na-i-release na ng Department of Budget and Management ang P2.5-billion na first tranche ng fuel subsidy para sa ating public utility vehicle drivers,” sabi ni Presidential Communications Undersecretary at Acting Deputy Presidential Spokesperson Michel Kristian Ablan.
Nailabas na rin umano sa Department of Agriculture ang P500 milyong subsidiya para sa mga magsasaka at mangingisda.
Ang ikalawang tranche ng ayuda ay ilalabas umano sa Abril.
Sinabi naman ni DBM Undersecretary at Spokesperson Rolando Toledo na mayroong 377,443 benepisyaryo ang fuel subsidy program ng Department of Transportation. Makatatanggap ang mga ito ng P6,500.
Bukod sa mga driver ng jeepney kasama sa bibigyan ng ayuda ang mga driver ng UV Express, mini buse, bus shuttle service, taxi cab, tricycle, transport network vehicle service (TNVS), motorcycle taxi, at delivery service.
Ang mga magsasaka at mangingisda naman ay makatatanggap ng hanggang P3,000 discount sa mga gasolinahan.