Calendar
Tagumpay ng DOT sa promotion ng PH tourism pinapurihan ni Dy
PINAPURIHAN ng vice-chairman ng House Committee on Tourism na si House Deputy Speaker at Isabela 6th Dist. Cong. Faustino “Inno” A. Dy V si Tourism Sec. Christina Garcia Frasco dahil sa naging tagumpay ng Department of Tourism (DOT) para sa promotion ng Philippine tourism.
Sinabi ni Dy na kahanga-hanga ang naging pag-asenso ng turismo ng Pilipinas mula ng maupo si Frasco sa DOT. Kabilang dito ang pagdagsa ng dalawang milyong turista sa bansa mula Enero hanggang sa kasalukuyang buwan bunsod ng hindi matatawarang pagsisikap ni Frasco.
Ayon kay Dy, maituturing na isang napakalaking accomplishment ang mga resibo sa turismo dito sa bansa kung saan, makikita na mula noong Enero 1 hanggang sa pumasok ang March 31, 2024 ay umabot na sa humigit kumulang P157.62 billion ang kinita ng Philippine tourism.
Idinagdag pa ng kongresista na ang kinita ng turismo ay isinalin sa 120.70% recovery rate mula sa P130.59 billion na kinita ng Philippine tourism na isang pagpapatunay lamang na mahusay ang pamamalakad ni Frasco sa DOT at maaaring mas maging maganda pa aniya sa mga susunod na taon.
Binigyang diin ni Dy na napaka-impresibo ang management style ni Frasco sapagkat batay sa monitoring data ng DOT, makikita na nitong nakalipas na April 24, 2024 ay nasa 2,010,522 ang international tourists ang nagtungo bumisita sa bansa na may 94.21% o nasa 1,894,076 ng kabuuang international visits.
Samantala, mula naman sa inisyatiba ng tanggapan ni Dy at sa tulong ng Department of Agriculture, muling namahagi ang kongresista ng tulong para sa 1,250 lokal na magsasaka mula sa Bayan ng Echague, Isabela sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Program – Rice Financial Assistance. Layunin ng program na madagdagan ang resources ng mga magsasaka at mapalakas ang kanilang produksiyon ng palay at mais.