Tulfo2

Tulfo pinasususpinde ng isang buwan mayor, bgy chairman sa Maco

106 Views

Dahil sa landslide na ikinamatay mahigit 100

PINASUSUSPINDE ng isang buwan ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo sa utos na rin ni House Speaker Martin Romualdez ang alkalde at isang barangay kapitan ng Maco, Davao de Oro dahil sa kanilang kapabayaan sa naganap na landslide sa naturang bayan nitong Pebrero na ikinamatay ng mahigit 100 katao.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig nitong Martes ng House Committee on Disaster Resilience na pinamumunuan ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, inirekomenda ni Tulfo na ipa-suspende ng isang buwan ang nasabing mayor at barangay chairman.

Naunang nag-mosyon si Rep. Tulfo na sampahan ng kasong administratibo ang alkalde at barangay chairman dahil umano sa kanilang kapabayaan sa naganap na landslide pero mariin itong tinutulan ni Cagayan de Oro Rep. Rofuz Rodriguez dahil masyado umanong mabigat ang parusa.

Sinabi ni Rodriguez na dapat daw ay “reprimand’ lang ang parusa sa dalawa at hindi kasuhan ng kasong administratibo.

Pero hindi pumayag dito si Tulfo dahil naniniwala siyang dapat ay may maparusahan sa insidente dahil mahigit 100 ang namatay.

“Hindi po pwede palagpasin ho ito, may namatay ho eh. 102 po iyon. Ano na lang ho sasabihin ng mga manunuod ng hearing na ito, na nagkwento-kwentuhan lang tayo rito, kailangan ng result, we need result,” ani Tulfo. “Ito rin ang nais ni Speaker Romualdez para mabigyan ng hustisya ang mga namatay doon.”

Agad namang nagpatawag ng causus si Adiong at pinagkasundo at pinag-usapan ang magiging desisyon ng magkasalungat na kongresista.

Sa huli, sinabi ni Tulfo na napagkasunduan nila na sa halip na kasuhan ay suspensyon na lamang ang ipataw na parusa sa alkalde at barangay chairman.

Matatandaan na nitong Pebrero ay aabot sa 104 ang nasawi dahil sa landslide sa Maco matapos ang walang patid na pag-ulan sa lugar.

Nabatid rin na ang lugar na pinangyarihan ng landslide at matagal nang idineklara ng pamahalaan na “no build zone” pero pinayagan pa rin ito ng lokal na pamahalaan kaya nagresulta sa naturang trahedya.