DENR

Publiko hinimok ng DENR na suportahan rehab ng Pasig River

Cory Martinez Jun 3, 2024
159 Views

MULING nanawagan ng suporta ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa publiko sa ginagawang rehabilitasyon ng Pasig River, sa pamamagitan ng pagsali bilang “River Warrior.”

Isinagawa ang panawagan matapos na makakolekta ang DENR-Pasig River Coordinating and Management Office (DENR-PRCMO) ng may kabuuang 1,603.53 tonelada ng sari-saring basura at water hyacinth mula sa Pasig River at sa mga tributary nito mula Enero hanggang Mayo 15, 2024.

Ayon kay Jacqueline A. Caancan, PRCMO Executive Director and Concurrent Director of Environmental Management Bureau, ang rehabilitasyon ng Pasig River ay isang mandato hindi lamang upang sa usaping environmental conservation kundi ito ay isang testamento ng mga nagkakaisang layunin na mapanatili itong kapaki-pakinabangan para sa mga susunod na henerasyon.

“By working together, we can transform the Pasig River into a thriving ecosystem and a source of pride for all Filipinos,” ani Caancan.

Samantala, hanggang Mayo 15, 2024, may kabuuang 53,451 na sako ng solid wastes at water hyacinth ang nakolekta ng PRCMO mula sa Pasig River system, na may katumbas na 1,603,530 kilo o 1,603.53 tonelada.

Regular na dinedeploy ng PRCMO ang may 163 163 Environmental Aides (EAs) na mas kilalang

“River Warriors” na naatasan na panatilihin ang Pasig River system na malinis mula sa basura at ibang pang lumulutang na dumi, sa pamamagitan ng araw-araw na clean-up operation.

Sa kasalukuyan, kabilang sa mga prayoridad sa clean-up operation ng PRCMO ay ang pangunahing bahagi ng Pasig River mula sa Del Pan Bridge, Tondo, Manila hanggang sa San Juan River confluence sa Sta. Ana, Manila; San Juan River; 25 minor tributaries katulad ng estero at sapa sa lungsod ng Maynila at Quezon; at ang dalawang priority area sa BASECO at Parola, Tondo, na nasa bunganga ng Pasig River sa Manila Bay.

Nakalagay din sa mga naturang lugar ang mga trash barrier upang maging Madali ang pagkolekta ng basura.

Patuloy din ang PRCMO sa pakikipagtulungan nito sa Philippine Coast Guard (PCG) para sa pagsasagawa ng araw-araw na clean-up operation sa may bahagi ng Pasig River na tinatawag na Malacañang Restricted Area (MRA), at sa ibang ahensya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan at pribadong sektor.

Bukod dito, patuloy ding minomonitor ng PRCMO ang 47 minor tributary at tatlong major tributary ng Pasig River, ito ay ang mga sumusunod: ang mga ilog ng Marikina, San Juan, at Taguig-Pateros.

Inaasam ng PRCMO na mapaigting ang kanilang kapasidad sa clean-up at monitoring kapag nadeliver na nitong Hunyo ang isang trash boat at ang pagbili ng karagdagang trash boat at patrol boat sa taong 2025.

Ang mga karagdagang bangka ay makakatulong sa paglilinis ng mas maraming area ng ilog upang mabawasan ang mga lumulutang na basura dito.

Makakatulong sa rehabilitasyon ng Manila Bay Region ang kumpletong rehabilitasyon ng Pasig River System. Kapag mangyayari ito, makakatulong ang Manila Bay at Laguna de Bay sa pagpapanatili ng ecological services nito, mapaigting ang turismo at matitiyak ang maaliwalas na pagbiyahe sa pagitan ng road at water transport upang maibsan ang problema ng Metro Manila sa trapiko.

Kaya’t ani Caancan, napakahalaga ng kolaborasyon at aktibong partisipasyon ng lahat ng stakeholder sa gawaing ito ng pamahalaan.