War

War on drugs ni Duterte: 20K napatay sa 17 buwan; 40 dedo kada araw

82 Views

UMABOT umano sa 20,322 Pilipino ang nasawi sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte sa loob lamang ng 17 buwan, o 40 ang namatay kada araw.

Ito ang lumabas na impormasyon sa isinagawang imbestigasyon ng House of Representatives committee on human rights sa pagdinig nitong Miyerkules.

Ang bilang ay mahigit tatlong ulit ng nasa 6,200 na kinilala ng administrasyong Duterte na nasawi sa war on drugs sa anim na taong termino nito.

Sa pagdinig ng komite na pinamumunuan ni Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., binasa ng human rights lawyer na si Jose Manuel Diokno ang bahagi ng “extended resolution” ng Korte Suprema kaugnay ng mga nasawi sa war on drugs na mula sa tanggapan ni Duterte.

Ayon kay Diokno, nabanggit sa resolusyon ang 2017 year-end accomplishment report ng Office of the President (OP) sa kasong “Amora vs Dela Rosa” (dating Philippine National Police chief at ngayon ay Sen. Ronald dela Rosa), na inihain noong 2018.

Batay sa resolusyon, sinabi ni Diokno na may kabuuang 20,322 drug suspek ang nasawi mula Enero 1, 2016, hanggang Nobyembre 27, 2017.

Sa naturang bilang, 3,967 umano ang napatay ng mga pulis sa mga police operation, at 16,355 naman ang namatay sa kamay ng riding in tandem o hindi kilala ang pumaslang.

Batay umano sa naturang ulat, sinabi ni Diokno na lumalabas na “39.46” ang namamatay kada araw batay sa OP accomplishment report.

“This Court wants to know why so many deaths happened,” sabi ni Diokno.

Nang tanungin ni Abante kaugnay ng 6,200 na opisyal na bilang ng nasawi, sinabi ni Diokno na hindi nito alam kung saan nanggaling ang naturang bilang.

Sa pagtataya ng iba’t ibang drug watch group, nasa 27,000 hanggang 30,000 ang nasawi sa drug war ng administrasyong Duterte.

Nang tanungin kaugnay ng resolusyon ng Supreme Court, sinabi ng Executive Secretary ni Duterte na si Salvador Medialdea na hindi nito alam kung saan nanggaling ang naturang numero.

“There were various figures floated – 6,000, 30,000 and now more than 20,000. We don’t know anymore which to believe,” ani Medialdea.

Sinabi naman ni Abante na “unimaginable” at “I never realized this could happen,” patungkol sa laki ng bilang ng mga nasawi.

Pinuna naman ni Abante si Diokno kung bakit hindi ito naghain ng “class suit” laban kay Duterte.

“Your honor, the families of the victims were afraid – and are afraid until now – to file cases,” sagot ni Diokno.

Humarap din sa pagdinig ang mga ina ng dalawang napatay, at asawa ng isa pa upang ihingi ng hustisya ang nangyari sa kanilang mahal sa buhay.

Ayon kay Dalia Quartero, ang anak nitong si Jessie Quartero, 26, ay pinatay ng mga tauhan ng Bulacan police. Ang 17-taong-gulang na anak naman ni Kristine Pascual ay nasawi umano sa mga kamay ng pulis sa Pangasinan.

Ayon naman kay Honey Jane Lee, ang kanyang mister na si Michael, isang jeepney passenger barker, ay nasawi sa Caloocan.

Ang mga kaanak ng biktima ay sinamahan ng abogadong si Kristina Conti ng Rise Up for Life and for Rights upang ilahad ang sinapit ng kanilang mahal sa buhay.

Ayon kay Conti, maraming pamilya ang namatayan sa kamay ng mga pulis na hindi pa lumalabas dahil sa takot.

Tiniyak naman ni Abante na bibigyan ng proteksyon ng komite ang mga lalantad na kaanak ng mga pinaslang.

“I myself is laying my life on the line here. They should not be afraid,” sabi ni Abante.

Umaasa rin ang mga lumabas na kaanak ng mga napaslang na ituturo ng International Criminal Court na si Duterte ang siyang responsable sa mga namatay sa drug war.