Calendar
Army cadet sumikwat ng 3 golds sa ROTC Games
ZAMBONGA CITY — Kumaripas si Philippine Army cadet Jessa Corpus sa women’s 4×100 meter relay upang sikwatin ang pangatlong medalya sa 2nd Philippine Reserve Officers Training Course Games 2024-Mindanao Qualifying Leg Huwebes ng umaga sa Joaquin Enriquez Memorial Sports Complex track oval dito.
Nakipag-sanib puwersa si 22-year-old 4th year BS Criminolgy, Corpus sa schoolmates niya sa Tangub City Global College na sina Angelie Barete, Emily Omapia at Ronalyn Suson upang ilista ang 54.3 segundo at sikwatin ang gintong medalya.
Umarangkada muna si Corpus sa 1,500 meter upang itakbo ang gold medal sa tiyempong 5:34.5 minuto at saka kinalawit ang ginto sa 800 meter (2:44.3) noong Miyerkules ng hapon sa palarong pinasimulan ni Sen. Francis Tolentino at itinataguyod ng Philippine Sports Commission sa pamumuno ni Richard Bachmann.
“Nagpapasalamat po ako sa Panginoon binigyan niya ako ng lakas para makamit ang gintong medalya and sa aming very supportive and humble Governor Henry S. Oaminal, 903rd CDC personnel , mayor Ben Canama and city official , and to our college president maam Maricel Nueva at very supportive coach Rosnani Pamaybay and Michelle Mangubat. masayang sabi ni Corpus.
May tsansa pang maka-apat na ginto si Corpus dahil nakatakda itong sumalang sa 4×400 relay at ayon sa kanya ay itotodo nito ang lahat para manalo.
Dumating na segundo ang mga atleta ng Jose Rizal Memorial State University – Dipolog Campus na sina Princess Taypen, Karen Joy Maya, Rexel mae Empremiado at Jasmine Atay na nilista ang tiyempong 1:00 minuto para sa kanilang silver medal finish.
Napunta ang bronze medal kina Rahima Jamil, Flordiliza Biya, Rosemie Esmael at Milyn Buca ng Jose Rizal Memorial State University – Tampilisan Campus.
Samantala, sina John Barry Asdani, Philronne Orcia, Deane Ramos at Ralph John Mickel Salcedo ng Philippine Air Force mula sa Western Mindanao State University ang nagtulungan upang makuha ang gintong medalya sa 4×100 meter sa men’s division.
Mga nakasungkit naman ng gold sa women’s arnis Non Traditional Single Weapon sina Crystal Jade Templa ng Josefina Herera Cerilles SC (Army) at Bernalyn Nicdao ng Western Mindanao State University (Air Force).
Sa table tennis, nakuha ni Philippine army Kyla Crizz Pabico ng Holy Trinity College ang gintong medalya sa singles women’s division habang si Roxette Enriquez ng Philippine Air Force mula sa Southern City Colleges ang nagwagi.
Ang nasabing multi-sports kompetisyon na magtatapos sa bukas (Hunyo 29) ay para sa mga kadete mula sa Philippine Army, Philippine Air Force at Philippine Navy kung saan ay magpapaligasahan sila sa 14 na sports.
Magtatagisan ng galing ang mga cadet athletes sa arnis, athletics, basketball, boxing, chess, E-Sports, kickboxing, sepak takraw, swimming, table tennis, taekwondo, target shooting, volleyball at raiders competition.