Posas

2 RIT huli sa Oplan Bakod ng Ecija PNP sa bigong ambush

Steve A. Gosuico Aug 14, 2024
65 Views

JAEN, Nueva Ecija – Ang matagumpay na Oplan “Bakod” operations na inilunsad ng Nueva Ecija police ay nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang riding in tandem na suspek na bumaril sa isang 46-anyos na barangay kapitan at ang kanyang live-in partner sa isang bigong ambush attempt sa bayang ito noong Lunes.

Ang mga biktima ay kinilalang si barangay captain Clifford Miranda at ang kinakasama nitong si Iryn Aque, 43, negosyante, kapwa ng Bgy. Pamacpacan matapos paputukan ng back-rider sa pamamaril na naganap alas-8:30 ng umaga.

“Nag-gagayak na sila Kapitan Clifford nun at may ayuda na ipamimigay daw at maraming tao sa lugar nung binaril sila, tapos un gunman hindi bumaba sa motorsiklo nila,” saad ng imbestigador.

Dagdag ng imbestigador ng pulisya ang dalawang biktima ay idineklara nang wala sa panganib matapos magtamo ng dalawang tama ng bala sa katawan.

Sinabi ni Nueva Ecija top cop Col. Richard V. Caballero na agad niyang isinaaktibo ang operasyon ng Oplan Bakod at ginamit ang lahat ng CCTV footages sa lugar at sa mga exit points nito, na humantong sa mga awtoridad na matunton ang mga suspek, na nakita at nakilalang gumagamit ng parehong motorsiklo bilang kanilang get-a-way na sasakyan.

Sinabi ni Caballero na tinugis ng kanyang mga tauhan ang mga suspek hanggang sa makorner at maaresto sila sa pinangyarihan ng krimen sa Bgy. Pamacpacan.

Kinilala ang mga naarestong suspek na sina alays Ryan, 24, at alyas Jaypee, 38, kapwa ng Purok 3, Bgy. San Anton, San Leonardo.

Nasa kustodiya na sila ng pulisya at nahaharap sa mga kasong frustrated murder.