NBI

10 kinasuhan sa ‘pinakamalaking’ shabu haul sa PH

220 Views

IPINAHAYAG ng National Bureau of Investigation (NBI) na ang 10 hinihinalang drug pushers na nahuli kamakailan sa Infanta, Quezon ng P11-bilyong halaga ng shabu – ang umano’y “pinakamalaking” drug bust sa Pilipinas ay pormal nang kinasuhan ng paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ibinunyag ng NBI na nagsagawa ng inquest proceedings ang isang piskal mula sa Department of Justice (DOJ) sa NBI Detention Center sa Maynila kung saan kasalukuyang nakakulong ang mga suspek.

Kinasuhan sina Jamelanie Samson, Reynante Alpuerto, Jeynard Samson, Mark Bryan Abonita, Dante Manoso, Kennedy Abonita, Marvin Gallardo, Eugene Pandoma, Alvin Evardo, at Jaymante Gallaro.

Sa isang press statement, ibinunyag ng NBI na ang pagsamsam ng droga ay nangyari noong Marso 15, 2022, bandang 4:00 ng umaga sa Bgy. Comon, Infanta, Quezon sa pangunguna ng NBI-Task Force Against Illegal Drugs (TFAID), NBI-Research and Analysis Division (RAD), at Lucena District Office (LUCDO) sa pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) sa Infanta, Quezon, at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Lucena.

Ang operasyon ay nagresulta rin sa pagkakaaresto sa mga suspek habang nasa akto na nagbibiyahe ng iligal na droga sakay ng tatlong commuter van.

Kung titignan at isasaalang-alang ang dami at halaga, sa ngayon, ito ang pinakamalaking paghakot ng droga sa kasaysayan ng Pilipinas, ang sabi ng NBI. Larawan mula sa NBI Public Information Office. Kasama si Joanne Rosario, OJT.

Ni Hector Lawas