Atty, Harry Roque Ex-presidential spokesperson Harry Roque

Quad comm naglabas ng subpoena vs dating aide ni Harry Roque

52 Views

NAGLABAS ng subpoena ang quad committee ng Kamara de Representantes laban kay Alberto Rodulfo “AR” Dela Serna, ang dating executive assistant ni ex-presidential spokesperson Harry Roque, kaugnay ng imbestigasyon sa iligal na operasyon ng mga Philippine offshore gaming operator (POGO).

Ang pagpapalabas ng subpoena ay bunsod ng pagkabigo ni Dela Serna na dumalo sa pagdinig ng quad committee ng Kamara noong Agosto 22. Sa halip na dumalo ay nagpadala ito ng “excuse letter” sa pamamagitan ng kaniyang abogadong si Kevin San Agustin.

Kinuwestiyon naman ni Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen Paduano, co-chair ng quad committee, ang “validity” ng excuse kaya naghain ito ng mosyon para sa pagpapalabas ng subpoena upang mapilitan si Dela Serna na humarap sa pagdinig at magbigay ng kanyang testimonya.

Iginiit rin ni Paduano na walang ibinigay na patunay ang abogado tungkol sa kanyang legal na awtoridad bilang kinatawan ni Dela Serna.

“The excuse letter that was signed by Atty. Agustin is not valid,” saad pa ni Agustin, na kinatigan at inaprubahan naman ng komite.

Noong Agosto 16, kabilang si Dela Serna sa inisyuhan ng show cause order ng quad committee bilang bahagi ng nagpapatuloy ng imbestigasyon nito sa kaugnayan ng mga POGO sa iligal na kalakalan ng droga, iligal na pagbili ng lupa ng mga Chinese, at extrajudicial killings na iniuugnay sa “war on drugs” ng administrasyong Duterte.

Ang hindi pagdalo ni Dela Serna sa pagdinig noong Agosto 22 ay naging dahilan ng komite na gumawa ng mas matinding hakbang sa pamamagitan ng pagiisyu ng subpoena ad testificandum upang oblegahin ito na dumalo at magbigay ng pahayag sa quad comm.

Si Dela Serna, na isang dating kalahok sa male pageant at kumatawan sa Pilipinas sa Mister Supranational competition noong 2016 sa Poland, ay naging sentro rin ng imbestigasyon makaraan ang pagkakaugnay ng pangalan ni Roque sa pagtugis ng gobyerno sa mga POGO hub na pinapatakbo ng mga Chinese.

Ang koneksyon ni Dela Serna kay Roque ay natuklasan matapos ang ginawang raid ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa Lucky South 99 compound sa Porac na kilala bilang POGO hub.

Sa ginawang pagsalakay, natuklasan ng mga awtoridad ang appointment papers ni Dela Serna bilang Executive Assistant III sa ilalim ng tanggapan ni Roque, na may petsang Oktubre 5, 2021, kasama ng isang affidavit mula kay Roque na nagsasaad ng kanyang “full responsibility” sa mga pinansyal na pangangailangan ni Dela Serna sa kanyang mga biyahe sa Poland, Ukraine at Italya noong Oktubre 2023.

Ang mga natuklasan sa pagsalakay, tulad ng appointment papers at affidavit, ay nagdulot ng pagdududa tungkol sa tunay na ugnayan ni Dela Serna at Roque, pati na rin sa layunin ng kanilang mga biyahe.