Cignal Wala pa ring talo ang Cignal HD sa PVL Open Conference. PVL photo

Cignal inangkin ang q’final bonus

Theodore Jurado Mar 22, 2022
308 Views

INANGKIN ng Cignal HD ang unang twice-to-beat slot sa quarterfinals matapos ang 20-25, 25-17, 25-20, 25-16 paggapi sa Choco Mucho sa PVL Open Conference kahapon sa Paco Arena.

Sa pamamagitan ng clutch kills nina Ces Molina at Ria Meneses, naapaula ng HD Spikers ang matinding pagresbak ng Flying Titans mula sa siyam na puntos na pagkakabaon sa third set upang kunin ang 2-1 set lead.

“Kailangan maging composed yung team, kasi medyo nag-struggle kami kasi ilang points ang nakuha ng Choco Mucho. Knowing Choco Mucho, malaki ang respeto namin sa team na iyan,” sabi ni

Cignal mentor Shaq Delos Santos. “Composed lang, tiyagain lang. One point at a time,” aniya.

Tumrangko naman si Roselyn Doria, na gumawa ng walong blocks para sa 17-point outing, sa HD Spikers sa fourth set upang mapalawig ang kanilang perfect run sa tatlong laro.

“Sobrang nakaka-proud kasi sa practice talagang napakasipag niya. All out iyan. Yung two games niyan, alam ko hindi siya satisfied sa naging performance niya,” sabi ni Delos Santos ukol kay Doria.

“Nakakatuwa, grabe ang inilaro niya and hopefully tuloy-tuloy na,” aniya.

Nanguna si Kat Tolentino para sa Flying Titans na may 19 points.

Nahulog ang Choco Mucho sa pagtatabla sa walang larong F2 Logistics sa kanilang pool sa 2-1. Maghaharap ang dalawang koponan para sa nalalabing quarterfinals bonus sa alas-6 ng gabi bukas.

Hindi kinakitaan si Molina, na pumasok lamang sa second set, ng epekto ng kanyang right ankle injury na kanyang natamo sa nakalipas na laban upang tumapos na may 14 points at 10 receptions.

Naglaro ang Cignal na isang cohesive unit, kung saan tumipa si Rachel Anne Daquis ng 10 points, 12 digs at anim na receptions, tumapos rin si Angeli Araneta ng 10 points, habang nagtala si

Meneses ng tatlong blocks at dalawang service aces upang tumapos na may siyam na puntos.

Bumira rin si setter Gel Cayuna ng dalawang service aces at nagbigay ng 44 excellent sets at kumulekta si libero Jheck Dionela ng 34 digs.

Nabaon sa 3-12 sa third set, inubos ng Flying Titans ang dalawang timeouts ngunit nagawang matapyas ang deficit sa 20-22 bago kapusin sa kanilang paghahabol.

Si Aduke Ogunsanya ang isa pang Choco Mucho player na umiskor ng double digits na may 10 points.