Logistics Target ng F2 Logistics na manatiling walang talo sa PVL Open Conference. PVL photo

F2 target ang q’finals berth

Theodore Jurado Mar 20, 2022
242 Views

TATANGKAIN ng F2 Logistics na makuha ang unang quarterfinal berth laban sa palabang Cignal HD, habang pipilitin ng defending champion Chery Tiggo na makaiwas na malagay sa bingit ng pagkakasibak kontra sa reloaded Choco Mucho side ngayon sa isang eksplosibong Premier Volleyball League Open Conference doubleheader sa Paco Arena.

Ikatlong sunod na panalo ang puntirya ng Cargo Movers sa alas-3 na hapon na duelo ng HD Spikers.

Ang makabasag sa win column matapos ang dalawang sunod na talo ang pakay ng Crossovers sa alas-6 ng gabi ba salpukan ng Flying Titans.

Inaasahan ni F2 Logistics coach Benson Bocboc ang mabigat na paghaharap sa Cignal HD.

Bagama’t kahapon lamang naglatag ng gameplan sa HD Spikers matapos walisin ang Crossovers kamakalawa ng gabi, kumpiyansa si Bocboc na gaganda ulit ang laro ng kanyang koponan.

“Like in our first game (against Black Mamba-Army), we have very little time to adjust. And we need to polish our passing, spiking and blocking. We need to work as a team,” sabi ni Bocboc, na pinuri ang kanyang bench players sa kanilang ambag sa dalawang panalo.

Isa na rito si playmaker Kim Fajardo, na bumalik mula sa dalawang taong pagliban dahil sa recurring knee injury at nagbato ng 11 excellent sets at nag-ambag ng dalawang puntos.

Sinabi naman ni HD Spikers mentor Shaq delos Santos na kailangang ilabas ng koponan sa pamumuno ni Rachel Anne Daquis ang kanilang A-game laban sa Cargo Movers.

“Gagawin namin ‘yung best namin dito. Siyempre alam mo naman ‘tong labanan in volleyball, sobrang lahat ng teams talagang nagpe-prepare ‘yan,” sabi delos Santos.

“Kilala sila, and knowing their players, sobrang matured na rin sa labanan na ‘to. So kailangan lang, mag-effort kami, talagang magpakahirap para sa laro namin sa F2,” aniya.

Standings
Pool A
W L
F2 Logistics 2 0
Choco Mucho 1 0
Cignal HD 1 0
Chery Tiggo 0 2
Black Mamba-Army 0 2
Pool B
Creamline 1 0
PetroGazz 1 0
BaliPure 0 1
PLDT 0 1

Mga laro ngayon
(Paco Arena)
3 n.h. – Cignal vs F2 Logistics
6 n.g. – Chery Tiggo vs Choco Mucho