Calendar
BI naharang 4 muntik mabiktima ng human trafficking sa NAIA
APAT pang muntik mabiktima ng human trafficking na gumamit ng pekeng departure stamp ang hinarang ng Bureau of Immigration (BI) na makalabas ng bansa noong Agosto 31.
Base sa ulat, naharang ng mga opisyal ng BI na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang isang 40-anyos na lalaki na nagtangkang sumakay sa Cathay Pacific patungong Hong Kong na nagpakita ng pasaporte na may marka ng kahina-hinalang immigration departure stamp.
Inamin ng biktima na inalok siya ng trabaho ng isang babaeng recruiter na nakilala niya sa Facebook kapalit ng P120,000 na processing fee at nangakong makakalusot siya ng maayos sa immigration.
Hinarang din ng mga opisyal ang tatlo pang biktima ng trafficking—isang 32-anyos na babae, isang 27-anyos na babae at isang 24-anyos na lalaki—bago makasakay ng Jetstar flight papuntang Singapore dahil din sa mga kahina-hinalang selyo sa kanilang pasaporte.
Iginiit ng mga biktima na magkaibigan sila na magta-travel sa Cambodia para sa paglilibang ngunit kalaunan inamin na na-recruit para magtrabaho bilang mga call center agent na may P50,000 na sweldo.
Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na hinala nila na ang mga biktima na-recruit para magtrabaho sa mga scam hub sa ibang bansa na nagpapanggap bilang mga call center.
“Similar to the previous schemes, recruiters directed their victims to meet a supposed contact at a fast food chain inside NAIA Terminal 3. This contact would typically take the victims’ passports and boarding passes, then return them with counterfeit stamps,” saad ni Tansingco.
“These syndicates give false promises of greener pastures. Despite their appealing facade, their exploitative practices can lead to serious repercussions,” giit ni Tansingco.
Nai-turn over na sa Inter-agency Council Against Trafficking ang apat na muntik mabiktima ng human trafficking.