Rolando Valeriano Manila Rep. Rolando Valeriano

VP Sara hinamon na ipakita kung saan napunta bilyun-bilyong pondo para sa socio-economic programs sa Metro Manila

72 Views

HINAMON ni Manila Rep. Rolando Valeriano si Vice President Sara Duterte na ipakita kung saan napunta ang bilyun-bilyong pondo na ginastos umano ng tanggapan nito sa mga socio-economic programs sa Metro Manila noong nakaraang taon at ngayong 2024.

Sa isang privilege speech, tinuligsa ni Valeriano ang magaspang na paguugali na ipinakita ni VP Duterte sa briefing ng House committee on appropriations noong nakaraang linggo kaugnay ng panukalang P2.037 bilyong pondo ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2025.

Sinabi ni Valeriano na kung hindi maipapakita ni VP Duterte kung saan napunta ang pondo ng OVP para sa socio-economic program ay paghihinalaan ng taumbayan na inaksaya lamang ito.

Ipinagtaka rin ni Valeriano kung bakit nakatuon sa Metro Manila ang socio-economic programs nito gayung siya ay Bise Presidente ng buong bansa.

“Ang nakapagtataka sa kanyang budget ng 2023, 2024, at 2025 ay bakit sa National Capital Region lang nakalaan ang mga ayuda programs niya. Bilang Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, nagtataka lang ako kung saan dito sa Metro Manila napunta ang bilyong pondo ng Socioeconomic Programs ng kanyang opisina,” sabi ni Valeriano.

“Nagtataka ako dahil siya naman ay Pangalawang Pangulo ng buong bayan,” dagdag niya.

“Sa kanilang 2025 budget proposal, mayroon silang 977, 615 beneficiaries. Nasaan na ang mga ito? Totoo ba ito lahat at verified ba?” tanong ni Valeriano.

Sinabi rin ni Valeriano na batay sa rekord ng OVP, lumagda ito sa 793 “strategic partnerships” para sa implementasyon ng mga programa nito noong 2023.

“Nasaan ang listahan ng strategic partnerships at mga strategic partnership agreements? At kapag walang totoong listahan ng beneficiaries at dokumento ng strategic partnership, hindi malayong maghinala ang taumbayan na nawala ang pondo ng bayan, para siguro sa darating na panahon,” sabi ng solon.

Sa halip na ipaliwanag ang kanyang mga programa, sinabi ni Valeriano na tumanggi si VP Duterte na sagutin ang mga tanong ng mga mambabatas.

“At bilang pagtatapos, nais ko lang ipaalala sa mga botante sa Maynila at sa buong bansa, hindi nararapat sa atin, lalo na’t siya’y nag-aambisyon na maging Pangulo, ang ayaw magsabi kung saan ginastos ang pondo ng bayan,” saad pa ni Valeriano.

Nagtanong din ang mambabatas kung sino ang boss ni VP Duterte.

“Sino ba talaga ang boss at pinaglilingkuran niya? Baka naman ang boss niya ay humaharang sa bangka ng mga Pilipinong mangingisda o ang mga promotor ng POGO,” sabi nito.

“Ganyan ba ang asal ng ating Bise Presidente at nag-aambisyong maging Presidente? We deserve better,” dagdag pa niya.

Ipinaalala ni Valeriano na ang pondo ng OVP ay hindi pera ni VP Duterte kundi pera ng taumbayan na maaaring suriin ng Kongreso upang malaman kung tama ang ginawang paggastos dito.

“Hindi pera ng Pangalawang Pangulo ang Office of the Vice President budget para sa 2022, 2023, 2024, at 2025. Pondo ng bayan iyan. Kaya nga mayroong budget hearings ay para malaman ng ‘madlang pipol’ kung paano ginagastos ng mga opisina ng gobyerno ang pondo ng bayan na ipinagkatiwala sa kanila,” wika pa ni Valeriano.

Hindi rin nagustuhan ni Valeriano ang magaspang na paguugaling ipinakita ni VP Duterte sa pagdinig ng Appropriations committee noong nakaraang linggo.

“Dito sa Kamara, hindi natin tinatapatan ng kabastusan ang kabastusan. Maling asal kasi iyon. Sa Maynila, at dito sa Kamara, pamantayan natin ang pagiging magalang, kasi kaugaliang Pilipino iyan,” sabi pa nito.

“Maling akala ni Vice President na siya ay hindi maaaring salungatin ng kahit sino… Maling akala ni VP Sara na may kapangyarihan siyang utusan ang Committee on Appropriations na palitan ang Presiding Officer nito… Maling akala rin ni VP Sara na wala tayong karapatan magtanong ng anumang bagay tungkol sa budget ng kanyang opisina,” dagdag pa ng mambabatas.

Isa umanong kaduwagan ang pagtakas ni Duterte sa mga tanong ng mga kongresista.

“Isang kaduwagan at pag-iwas sa tanong ang kanyang sagot. Iyan ang nagdudumilat na katotohanang nasaksihan natin sa budget hearing. Takot sa mga lehitimong mga tanong ng taumbayan,” giit pa nito.