Oath Taking LAKAS OATH TAKING – Pinangasiwaan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez, presidente ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), ang panunumpa nina Valenzuela 2nd District Rep. Gerald Galang, Davao De Oro 2nd District Rep. Jhong Ceniza at Davao De Oro Gov. Raul Mabanglo bilang bagong miyembro ng Lakas-CMD, hapon ng Lunes sa Manila Golf and Country Club sa Makati City. Kuha ni VER NOVENO

2 kongresista, gob sumali sa Lakas-CMD; bilang ng miyembro sa Kamara umabot na sa 110

449 Views

DALAWANG kongresista ang sumali sa Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), ang pinakamalaking partido politikal sa Kongreso at sa buong bansa, kaya lumobo na ang bilang nito sa paparating na 20th Congress sa 110.

Pinangasiwaan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez, presidente ng Lakas-CMD, ang panunumpa nitong Lunes nina Rep. Jhong Ceniza ng ikalawang distrito ng Davao de Oro at Rep. Gerald Galang ng ikalawang distrito ng Valenzuela.

Kasama rin sa nanumpa kay Speaker Romualdez si Gov. Raul Mabanglo ng Davao de Oro.

Ang pagsali ni Mabanglo ay nagdala sa kabuuang bilang ng mga kasalukuyang gobernador na kasapi ng dominanteng partidong pampulitika sa bansa sa 16.

Nanumpa din sina Ceniza at Mabanglo, kasama sina Davao Del Norte 1st District Rep. Oyo Uy, Cagayan 3rd District Rep. Jojo Lara at Mayor Mark Anthony Libuangan ng Laak, Davao de Oro sa kanilang bagong tungkulin na pinangasiwaan din ni Speaker Romualdez.

Nagpahayag si Speaker Romualdez ng taos-pusong pasasalamat sa mga bagong kasapi sa partido.

“Your decision to join us means that you share our collective aspiration and the goal of President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. to improve the lives of our constituents, our people in general,” ani Romualdez.

“As we grow in numbers, we strengthen support in Congress in our communities for the President’s legislative agenda and Bagong Pilipinas vision and roadmap,” dagdag pa niya.

Ipinahayag niya ang pag-asa na magiging produktibo ang pakikilahok ng mga bagong kasapi sa Lakas-CMD.

Ang pagsapi ng dalawa pang kongresista sa partido ay lalo ring nagpapatatag ng suporta sa patuloy na pamumuno ni Speaker Romualdez sa House of Representatives sa nalalapit na pagbubukas ng ika-20 Kongreso.

Ang panunumpa ng dalawang mambabatas ay kasunod ng desisyon ng lima pa nilang kasamahan—sina Leandro Leviste (Independent) ng 1st District ng Batangas, Mauricio Domogan (Independent) ng Lone District ng Baguio City, John Tracy Cagas (NP) ng Lone District ng Davao del Sur, Edwin Crusado (PMP) ng 1st District ng Cotabato at Reynaldo Salvacion (Independent) ng Lone District ng Marinduque—na sumali rin sa Lakas-CMD.

Ayon kay Deputy Speaker at Quezon Rep. David “Jayjay” Suarez, si Speaker Romualdez ay may suporta na ngayon ng isang “supermajority” na hindi bababa sa 285 miyembro ng Kamara.