Guo Dating Bamban Mayor Alice Guo

Ping: Guo di malayong tumakbo sa mas mataas na pwesto, delikado

Alfred Dalizon Sep 11, 2024
92 Views

HINIMOK ni dating Senador Panfilo “Ping” Lacson nitong Miyerkules ang intelligence community na magsagawa ng mas malalim na imbestigasyon sa background at mga dayuhang koneksyon ni Guo Hua’ping, a.k.a. Alice Guo, dahil sa potensyal na banta nito sa pambansang seguridad.

Ayon kay Lacson, kung hindi na-expose si Guo sa operasyon ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), at kung siya nga ay isang espiya, maaaring magkaroon siya ng sapat na yaman upang tumakbo bilang kongresista o mas mataas pang posisyon. Sa ganitong paraan, magkakaroon siya ng access sa mga sensitibong dokumento ng gobyerno ng Pilipinas.

Si Guo ay kasalukuyang nakakulong sa maximum-security Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame matapos siyang arestuhin sa Indonesia noong nakaraang linggo.

“Testimonials coming from her former constituents were one in saying that Guo had been governing well sa Tarlac kumpara sa mga mayors doon, medyo maganda at wala silang nakitang anomalya,” sabi ng dating PNP chief.

Dagdag pa ni Lacson, kung peke ang kanyang pagiging mayor, posibleng umakyat siya sa mas mataas na posisyon tulad ng kongresista. At kung siya ay isang foreign spy, ito ay maaaring magdulot ng seryosong panganib sa pambansang seguridad.

Aniya, kapag nasa Kongreso, Senate o House of Representatives na ang isang indibidwal ay may access na ito sa mga classified documents na may mataas na security clearance, kaya ito ang delikado.

Dahil dito, hinimok ni Lacson ang intelligence community na isama si Guo sa kanilang EEI o essential elements of information at magsagawa ng mas malalim na background investigation.

Bilang karagdagan, binanggit ni Lacson ang mga tunay na kuwento ng espiya tulad ni Eli Cohen, isang Israeli spy na tumulong sa Mossad na makakuha ng mahalagang impormasyon mula sa Syria noong 1960s bago siya ma-execute.

“Ang pinaka-worry ko talaga kung na-elect siyang mayor at maganda ang pamamalakad sa Bamban di malayong tumakbo siyang district representative or congresswoman at manalo, di malayo ‘yan, may panggastos siya,” sabi ni Lacson.