bro marianito

Hindi mahirap sabihin ang salitang Thank You Lord (LUCAS 17:11-19)

281 Views

MINSAN lumapit sa akin ang kapatid na babae ng kaibigan ko. Siya ay nahaharap noon sa isang mabigat na problema sapagkat nahuli siyang nagsha-shop lifting sa isang kilalang Mall dito sa Metro Manila.

Kaya naman ginawa ko ang lahat ng paraan para siya ay matulungan sa kaniyang problema at para hindi rin sumambulat at malaman ng kanyang pamilya ang eskandalong kinasangkutan.

Subalit pagkatapos ko siyang matulungan ay hindi na siya ulit nagparamdam at nagpakita man lang sa akin hindi na para magpasalamat, kundi sabihin man lang sana sa akin na okey na siya at humingi ng paumanhin sa problemang nilikha niya at mangakong magbabago.

Ganito ang ating mababasa sa Mabuting Balita ngayon (Lucas 17:11-19) patungkol sa sampung ketongin na lumapit kay Jesus para humingi ng tulong.

Subalit matapos silang pagalingin ni Jesus, tanging ang Samaritanong Ketongin lamang ang bumalik at naka-alalang magpasalamat sa ating Panginoon, samantalang ang siyam na iba pa ay hindi na bumalik para magpasalamat kay Jesus.

Mahirap ba gawin ang magpasalamat? Mahirap bang sabihin ang salitang salamat? Kung mahirap para sa atin na ito’y sabihin, maaari naman sabihin na lamang Natin na TY na ang kahulugan ay Thank You.

Dalawang letra lamang ang “TY” pero para bang mahirap at mabigat sa ating loob na ito ay sabihin sa taong pinagkakautangan Natin ng loob.

Nahihirapan tayong sabihin sa taong tumulong sa atin. Samantalang noong mga panahong nangangailangan tayo ng tulong ay napaka-sigasig natin sa paglapit sa taong ito.

Marahil ganito rin natin tinatrato ang Panginoong Diyos. Naaalala lamang natin Siya kapag tayo ay nahaharap sa mabigat na problema, nagiging masipag lamang tayo sa pagsisimba kapag may kailangan tayo at nagiging masigasig lamang tayo sa pagdarasal kapag may gusto tayong hilingin sa Kaniya.

Dahil sa ginagawa nating ito, hindi Diyos ang trato natin sa ating Panginoon kundi mistulang isang Automated Teller Machine (ATM) na kailangan lamang natin kung gusto nating mag-withdraw ng pera o kumubra ng biyaya at grasya.

Subalit sa oras na ipagkaloob na ng Panginoon ang ating hinihiling ay doon na tayo magsisimulang manamlay at manghinawa sa ating pananampalataya.

Para bang ang pananalig natin sa Diyos ay sisigla lamang “As the need arises”. Ang masakit, hindi na nga natin nagawang magpasalamat, nakuha pa nating mag-suplado gaya ng siyam na ketongin sa Pagbasa na nagpakita ng kawalan ng utang na loob o ingrato.

Ang pagpapasalamat sa lahat ng biyaya at grasyang pinagkaloob ng Diyos ay hindi lamang simpleng mamumutawi o inuusal ng ating bibig kundi kailangan din itong nagmumula sa ating puso.

Sapagkat madaling sabihin ang salitang “salamat o thank you”. Subalit ang mahalaga ay ang “pagtanaw natin ng utang na loob” na maipapakita natin sa pamamagitan ng Ating mga kilos at gawa.

Pinagkakalooban tayo ng Diyos ng mga biyaya at grasya at ipinag-pa-pasalamat naman Natin ito.

Subalit ano naman ang ating iginaganti sa Kaniya bilang pasasalamat? Hindi ba’t patuloy tayong gumagawa ng mga bagay na hindi kaaya-aya sa Kaniyang paningin?

Patuloy tayong gumagawa ng mga bagay na labag sa Kaniyang kautusan. Gaya ng pakikiapid, pagnanakaw, pagkagumon sa salapit at materal na bagay at iba pang uri ng kasalanan.

Ang mahalaga ay hindi lamang ang simpleng pagsasabi ng salamat kundi ang pagtanaw ng utang na loob sa ating Panginoong Diyos.