Calendar
Rillo pinangunahan inagurasyon ng Rillo-Romualdez Ambulatory Care Center sa QC
PINANGUNAHAN nina Quezon City Rep. Marvin Rillo at East Avenue Medical Center (EAMC) chief Dr. Alfonso Nuñez III noong Sabado ang inagurasyon ng Rillo-Romualdez Ambulatory Care Center na magbibigay ng libreng serbiyong medikal sa publiko.
Ang bagong Ambulatory Care Center, na matatagpuan sa MC Rillo Building sa Barangay Mariana, Quezon City, ay magbibigay ng libreng clinical consultations, endoscopy, ultrasound, at iba pang diagnostic services at mga laboratory tests.
Ang pasilidad ay magbibigay din ng libreng hemodialysis para sa mga pasyenteng may end-stage kidney disease, libreng minor surgeries, at libreng pagsusuri sa mata, at magbibigay din ng libreng salamin sa mata.
Ang Ambulatory Care Center ay mayroon ding botika na mamamahagi ng libreng gamot.
Ang pasilidad ay naitayo sa pagtutulungan nina Rillo, House Speaker Martin Romualdez, at Quezon City Mayor Joy Belmonte, kasama ang Department of Health, EAMC, at Passion Healthcare Philippines Inc.
“We have effectively established an augmentation hospital for the EAMC here,” ayon kay Rillo.
“The EAMC now has the option to refer individuals seeking medical treatment to our ambulatory care center, or patients can come directly to us for free diagnostic and treatment services,” dagdag pa ni Rillo.
Ayon kay Rillo, sa kasalukuyan ay napakaraming pasyente na sineserbisyuhan ng EAMC na nagdudulot ng mahabang oras ng paghihintay para sa mga indibidwal na nangangailangan ng atensyong medikal bago matignan ang mga ito.
Ang EAMC ay isang tertiary public general hospital na isa sa pangunahing nagbibigay ng serbisyong medikal sa Quezon City.
Tatlong taon na ang nakalipas, ipinasa ng Kongreso ang isang batas na nagtaas ng bed capacity ng EAMC sa 1,000 mula 600 bilang tugon sa dumaraming bilang ng mga pasyenteng nangangailangan ng serbisyong medilkal.