ASF

BAI ikinakasa mga bagong patakaran sa pagbabakuna ng baboy vs. ASF

Cory Martinez Oct 8, 2024
56 Views

IKINAKASA na ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang mga bagong patakaran sa pagbabakuna ng mga baboy laban sa African Swine Fever (ASF), ayon kay Agriculture Assistant Secretary for Swine and Poultry Dr. Constante Palabrica.

Matutuloy ang vaccination laban sa ASF sa gitna ng mabagal na pagpapatupad ng controlled vaccination sa mga baboy dahil sa dami ng patakaran na dapat sundin bago bakuhan ang mga baboy, dagdag ng opisyal.

Ayon kay Palabrica, simula nang ipatupad ang controlled vaccination noong Agosto sa Lobo, Batangas, umaabot pa lang sa limang porsiyento ang nabakunahang mga baboy.

Sa kasalukuyang patakaran na ipinapatupad bago ang pagbabakuna, kinakailangan ipatupad ang biosecurity at pagsama-samahin ang mga baboy na babakunahan upang hindi masayang ang nakatakdang gagamitin na bakuna.

“Medyo nakita ko ang problemang ito kaya meron akong pino-propose kay Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. para mapabilis ang proseso,” ani Palabrica.

Sinabi pa ng opisyal na sa loob ng kasalukuyang buwan matatapos nila ang panibagong patakaran bago ang pagbabakuna ng mga baboy. Sa bagong sistema, maiaayos ang pagbabakuna.

“Sa dami ng kolatilya na ipinapatupad mabagal ang pagbabakuna kaya may bagong diskarteng gagawin ng DA para mapabilis ito,” dagdag niya.

Tiniyak ni Palabrica na walang masasayang na bakuna kahit na medyo mabagal dahil lahat ng biniling ASF vaccine bagong gawa.

Sinimulan na rin ng BAI ang pagbabakuna ng mga baboy sa Lipa, Batangas na kung saan kulang-kulang sa isang libong baboy ang inaaasahang mababakunahan.

“Nag-submit na ang maraming piggery farm doon na nagnanais na magpabakuna ng kanilang mga baboy.

Dahil nga sa continuous information drive namin, nakikita namin na may pag-asa ang bakunang ito dahil ito ang nangyari sa Lobo na kung saan ang baboy na nabakunahan buhay na buhay.

Considering red zone ang Lobo, ibig sabihin, napakataas ng expectation pressure dito pero itong mga baboy malakas after more than 30 days na pagbabakuna,” lahad pa ni Palabrica.