Arestado

Suspek sa pagnenok ng motorsiklo huling may shabu, toy gun

Edd Reyes Oct 20, 2024
11 Views

TIMBOG ang 33-anyos na kelot na tumangay sa motorsiklo ng babaeng call center agent noong Linggo gamit ang toy gun at nakuhanan pa ng 20 gramo ng shabu sa Paranaque City.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Bernard Yang, dakong ala-1:10 ng madaling araw nang tutukan ng baril ng suspek na si alyas Oliver ang biktimang si alyas Chinie bago puwersahang tinangay ang kanyang motorsiklo sa Roxas Boulevard, Brgy. Tambo.

Nagkataong nagpapatrulya ang mga tauhan ng Tambo Police Sub-Station 2 na nakapansin sa paghingi ng saklolo ng dalaga kaya’t hinabol ang suspek.

Nasakote si alyas Oliver nang i-alarma ng mga tauhan ng Police Sub-Station 2 ang pagtugis nila sa suspek, kasama ang biktimang si Chinie na positibong kumilala sa nadakip na carnap suspek.

Bukod sa motorsiklo, nakuha rin ng mga pulis ang 20 gramo ng shabu sa suspek na nagkakahalaga ng P136,000 at laruang caliber .45 pistol na ginamit sa pananakot sa biktima.