Nora

Boss Toyo handang bilhin ng P5M damit ni Ate Guy nang nanalo sa TNT

Vinia Vivar Oct 26, 2024
39 Views

Bumisita si Nora Aunor kay Boss Toyo upang humingi ng tulong para sa mga kababayan niyang nasalanta ng bagyong Kristine sa Bicol.

Sa latest video na in-upload ni Boss Toyo, mapapanood ang pagpunta ni Ate Guy sa kanyang shop. Dala-dala ng nag-iisang Superstar ang kanyang white dress na isinuot niya nang maging kampeon siya sa grand finals ng “Tawag Ng Tanghalan” in 1967.

Pero nilinaw agad ni Ate Guy na hindi niya ibinebenta ang damit at dinala lang niya kay Boss Toyo para makita nito.

Sinabi naman ni Boss Toyo na kung pepresyohan niya ang nasabing damit ay aabot ito sa P5 million at kung mabibili niya ay ilalagay niya sa kanyang museum.

Pero sey ni Ate Guy, ilalagay din sa museum ang nasabing damit.

Gayunman, ayon kay Boss Toyo, kung magbabago ang isip ni Ate Guy ay willing siyang bilhin ang dress for P5M dahil nag-iisa’t very memorable ang damit dahil dito nga nagsimula ang pagsikat ng Superstar.

Ayon kay Ate Guy, ang talagang pakay niya ay humingi ng tulong kay Boss Toyo para mag-donate sa mga kababayan niyang nasalanta ng bagyong Kristine. Everybody knows na tubong-Iriga si Ate Guy.

“Taga-Baao (Camarines Sur) po ako, taga-Iriga. ‘Yung tatay ko, taga-Nabua. Lahat po ‘yun, ‘yung tulay po sa Nabua at saka sa Baao, sira po ‘yun. At napakarami pong mga kababayan natin na nagangailangan ng pagkalinga at pagtulong lalo na sa mga pagkain, kumot, damit.

“Ang totoo po no’n, ‘yung mga damit ko na hindi ko na po nagagamit, kagabi po ay sinort-out po namin para po mailagay sa kahon para madala po sa Bicol,” saad ni Ate Guy na tumatakbo bilang second nominee ng People’s Champ party list sa Halalan 2025.

Nag-donate naman ng P250,000 si Boss Toyo sa fund-raising drive na isinasagawa ni Ate Guy kaya abot-abot ang pasasalamat ng Superstar sa kanya.

BINI MALOI ’DI MA-CONTACT ANG PAMILYA SA BATANGAS

Labis ang pag-aalala ni BINI Maloi Ricalde sa mga kamag-anak niya sa Lemery, Batangas na naapektuhan ng bagyong Kristine.

“Worried po ako ngayon honestly kasi iniisip ko po ang kalagayan ng pamilya ko po, ang mga relatives ko po nasa Batangas,” saad ni BINI Maloi sa panayam ng ABS-CBN.

“So nakita ko po sa news na grabe po ngayon ang dinaranas ng mga tao sobrang hirap na hirap po sila ngayon,” aniya pa.

Isa pang ipinag-aalala niya ay hindi niya ma-contact ang mga relatives niya sa Batangas.

“Ngayon po, hindi pa po namin sila nako-kontact pero ginagawan po namin ng paraan para puntahan po sila at maabutan po ng tulong. And ako po, tulad po ng sabi ko kanina, hangga’t kaya ko pong tumulong, tutulong po ako,” sey niya.

“Nabalitaan ko po sa parents ko po na ‘yung tita ko po sila po mahirap i-contact. Hindi po nila maiwan ang bahay nila, malakas po ang hangin since malapit po sila sa dagat nakatira mahirap po talaga. Ngayon po iniisip ko na lang na sana maging okay po ang lahat,” dagdag pa niya.

Dumalo ang BINI sa paglulunsad ng “Tulong-tulong Hanggang Dulo” donation drive organized by ABS-CBN Foundation last Friday at dito nga ay nag-pledge ng P1 million ang Nation’s Girl Group para sa mga naging biktima ng bagyo.