Fernandez Sta. Rosa Rep. Dan Fernandez

Pagbaba ng krimen sa panahon ni Duterte hindi mapagtitibay ng datos — Quad Comm chairmen

74 Views

LALO umanong dumami ang krimen sa bansa sa pagpapatupad ng war on drugs campaign at extrajudicial killings (EJK) noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang naging tugon nina House quad committee co-chairman Rep. Dan Fernandez ng Laguna at lead chairman Rep. Robert Ace Barbers ng Surigao del Norte, sa sinabi ni Duterte na mas maraming krimen ngayon kumpara noong panahon ng kanyang pamumuno.

Ayon kay Fernandez, chairman ng House committee on public order and safety, ang mga opisyal na datos mula sa Philippine National Police (PNP) ay hindi tumutugma sa mga sinabi ni Duterte.

“Nabudol na naman tayo. Malinaw na mas mababa ang krimen ngayon kumpara noong panahon ng dating administrasyon,” ayon kay Fernandez.

Ayon sa ulat ng PNP, sinabi ni Fernandez na ang mga index crimes mula Hulyo 1, 2022, hanggang Hulyo 28, 2024, ay umabot lamang sa 83,059, kumpara sa 217,830 na naitala sa parehong panahon sa unang dalawang taon ng termino ni Duterte mula 2016 hanggang 2018, o mas mababa ng 61.87 porsiyento.

Ayon kay Fernandez, bumaba ng 55.69 porsiyento ang mga kaso ng pagpatay, homicide, physical injuries at panggagahasa.

Samantalang ang bilang ng mga kaso ng robbery, theft, car theft at crimes against property ay bumaba ng 66.81 porsiyento, mula 124,799 hanggang 41,420 kung ihahambing sa unang dalawang taon ng Duterte administration.

Sinabi pa ng mambabatas na ang crime clearance efficiency ay tumaas ng 27.13 porsiyento habang ang crime solution efficiency rate ay tumaas din ng 10.28 porsiyento, na base sa ulat ng PNP.

Sinabi naman ni Barbers, chairman ng House committee on dangerous drugs, na iniulat din ng PNP ang mga nakumpiskang droga na nagkakahalaga ng P35.6 bilyon at ang pagkakaaresto ng 122,309 suspek sa mga kasong may kaugnayan sa droga.

Ayon kina Barbers at Fernandez, ang kampanya ng administrasyong Marcos laban sa ilegal na droga ay “walang dahas,” hindi katulad ng madugong anti-drug war ni Duterte.

“The present national leadership values and respects the sanctity of life,” ayon kay Barbers.

Sinabi naman ni Fernandez na ang anti-drug drive ng kasalukuyang administrasyon ay “hindi malamang na magdulot ng galit, pagkamuhi, at hangaring gumanti mula sa ating mga mamamayan.”

“It focuses on apprehending suspects and rehabilitating them, instead of ‘neutralizing’ them,” saad pa nito, na tumutukoy sa lenggwaheng ginagamit ng mga anti-drug campaign ni Duterte.

Ayon sa mga retiradong senior na opisyal ng pulisya na humarap sa quad comm, ang mga terminong “neutralize” at “negate” ay tinuturing nilang may kahulugang katumbas ng pagpatay sa mga suspek.

Ang mga terminong ito ay ginamit ng PNP chief noon ni Duterte, na ngayon ay Sen. Ronaldo “Bato” Dela Rosa, sa isang “command circular” noong 2016 na inilabas para sa mga field commander na nasa frontline ng drug campaign.

Sinabi ni Barbers na ang marahas na giyera kontra droga ni Duterte ay nagdulot ng mas maraming krimen.

“Ang isang action ay may kasunod na reaction. Kapag pinatay mo ang isang drug suspect, lalo na kung nadamay pa ang inosenteng kamag-anak o civilian, malamang sa hindi, may maghahangad sa pamilya ng namatayan ng paghihiganti,” saad nito.

“So, wala kang sinosolusyunan na problema, gumagawa ka pa ng bagong problema,” ayon pa sa kongresista.

Ayon kay Fernandez, ang ipinagmamalaking giyera kontra droga ng administrasyong Duterte ay nakatuon sa karamihan sa mga mababang antas ng gumagamit at nagbebenta ng droga, habang kakaunti lamang ang mga tinarget na high-value suspects.

“Kaya libo-libo ang napatay, mahigit 20,000, halos lahat users lang na puwedeng ma-rehabilitate. Hindi naman tinamaan ‘yung malalaking drug lord,” ayon pa sa kanya.

Sinabi niya na ang mga usap-usapan at espekulasyon noon ay “ang ilang high-value suspects ay tinarget upang alisin ang kompetisyon.”

Ayon pa sa kanya, may mga ulat din na nag-uugnay sa mga Duterte sa isang malakihang kargamento ng droga noong 2018.

Tinutukoy ni Fernandez ang testimonyang ibinigay sa quad comm ni dating Customs agent Jimmy Guban, na nagsabing si Paolo Duterte, anak ng dating pangulo at kongresista ng Davao City, ang kanyang bayaw na si Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, at ang kanyang economic adviser na si Michael Yang, na isang Chinese, ay diumano’y nasa likod ng P11-bilyong kargamento ng droga na nasamsam sa Cavite.

Ayon kay Barbers, ang mga drug-related activities na naibunyag ng mga awtoridad sa ilalim ng pamahalaan ni Marcos ay nauugnay sa criminal syndicate na lumakas at lumawak sa ilalim ng administrasyon ni Duterte.

Binanggit niya ang P6.3-bilyong shabu na nasabat sa isang bodega sa bayan ng Mexico sa Pampanga noong Setyembre 2023, na nauugnay sa ilang mga Chinese na konektado kay Yang.

“Aside from smuggling drugs, they faked documents to obtain Filipino passports and assume Filipino identity, which they used in illegally forming corporations as fronts for offshore gambling and buying large tracts of land and other assets to launder funds,” ayon kay Barbers.

“This crime gang that saw its heydays in the past is still casting a shadow over efforts of the Marcos leadership to stop criminal activities,” dagdag pa ng mambabatas mula sa Mindanao.