Sara

Trust, performance rating ni VP Sara patuloy sa pagbulusok— OCTA Research

41 Views

PATULOY sa pagbaba ang trust at performance rating ni Vice President Sara Duterte na mistulang hamon umano sa impluwensya nito bilang isang lider ng bansa at banta sa hinaharap ng kanyang political career.

Batay sa resulta ng 3rd Quarter Tugon ng Masa survey ng OCTA Research na isinagawa mula Setyembre 4 hanggang 7, ang trust rating ni VP Duterte ay bumaba ng anim na puntos at naitala sa 59% samantalang ang kanyang performance rating ay naitala sa 52% o bumaba ng walong puntos.

Ang trust rating ni VP Duterte sa pinakahuling survey ay mas mababa ng 28% kumpara sa naitala nito noong Marso 2023 na 87% na siyang pinakamataas mula noong siya ay maupo sa puwesto at sa gitna ng kanyang pagkabigo na maipaliwanag kung papaano ginastos ang daan-daang milyong confidential funds ng kanyang tanggapan.

Bumaba ang popularidad ni Duterte sa lahat ng rehiyon kasama na ang National Capital Region (NCR) at balanse ng Luzon. Ang kanyang trust rating sa NCR ay bumaba ng 13% at 9% naman sa balanse ng Luzon.

Ang mga rehiyon na ito ay mahalaga para sa pagbuo ng isang malawak na koalisyong nasyunal at nagpapakita ng paghina ng suporta kay VP Duterte sa labas ng Mindanao.

Naniniwala ang mga political analyst na makakaapekto ito sa potensyal na pagtakbo ni VP Duterte sa presidential election sa 2028. Ang pagbaba ng kanyang rating ay nagpapahina umano sa kanyang kakayanan sa paghubog ng isang epektibong polisiya.

Ito ay makakaapekto rin upang siya ay maging isang unifying leader.

Bukod sa survey ng OCTA bumaba rin ang rating ni VP Duterte sa Pulse Asia at Social Weather Station.