Calendar
Pamamaril sa hepe ng LTO- Calapan binatikos ng LTO chief
MARIING kinondena ni Assistant Secretary at Land Transportation Office Chief Vigor Mendoza II ang pamamaril sa isang opisyal ng agency sa Calapan City.
“Sa ngalan ng mga kalalakihan at kababaihan ng Land Transportation Office, mahigpit kong kinokondena ang pamamaril sa Assistant Chief ng aming Calapan District Office sa Oriental Mindoro.
Bilang isa sa aming masipag na opisyal, nangunguna si Calapan District Office Assistant Chief Gerardo Garcia sa operasyon laban sa mga hindi rehistradong sasakyang de-motor nang paulit-ulit siyang pagbabarilin ng isang rider na hindi naipakita ang OR/CR ng kanyang motorsiklo alas-7:42 ng umaga noong Huwebes sa Brgy. Canubling I.
Kami sa LTO nakikiisa sa kanyang pamilya sa pagdarasal para sa kanyang paggaling mula sa mga tama ng bala na kanyang natamo dulot ng karahasan.
Ipinagdarasal din namin ang agarang paggaling ng dalawang sibilyan na tinamaan ng ligaw na bala.
Sa aking bahagi, tiniyak ko sa pamilya ni Assistant District Office Chief Gerardo Garcia na gagawin ko ang lahat ng aking makakaya upang masiguro ang hustisya sa insidenteng ito sa pamamagitan ng pagtiyak na mahuli at makulong ang may sala.
Tinitiyak ko rin sa kanyang pamilya na magbibigay kami ng lahat ng kinakailangang tulong para sa kanyang pagpapagamot at iba pang gastusin.
Ayon sa paunang koordinasyon namin sa lokal na pulisya, nakilala ang gunman na si Alvin Roldan Salazar.
Siya ay patuloy na pinaghahanap at inatasan ko na ang lahat ng aming tanggapan sa MIMAROPA at mga kalapit na lugar na ipaskil ang larawan at iba pang detalye ng taong ito sa mga nakikitang bahagi ng aming mga opisina upang makatulong sa Philippine National Police sa pagpapatuloy ng operasyon.
Hinihikayat ko rin ang publiko na tulungan kami sa pagtaguyod ng hustisya para kay Assistant District Office Chief Gerardo Garcia at sa dalawa pang biktima,” sabi ng LTO chief.